Default Thumbnail

Condonation ng delingkwenteng SSS contributions ng employers ng kasambahay itinulak ni Jinggoy

August 27, 2022 Marlon Purification 267 views

Marlon PurificationMATAPOS mabigyan ng P1,000 dadag sahod ang mga kasambahay sa Metro Manila, ipinapanukala ni Senador Jinggoy Estrada ang condonation ng penalty sa mga hindi nababayarang kontribusyon sa Social Security System (SSS) ng mga household employers.

Binigyan diin ni Estrada sa kanyang paghahain ng Senate Bill 43 na sakop ng naturang condonation hindi lamang ang 200,000 na mga household employers sa National Capital Region (NCR) kundi lahat ng employers ng tinatayang 1.4 milyong kasambahay sa bansa.

“Win-win solution ito. Ang mga delingkwenteng household employer ay hindi mapapatawan ng multa samantalang ang mga kasambahay naman ay maaari nang pakinabangan ang mga benepisyong inaalok ng insurance program ng gobyerno na naipagkait sa kanila dahil sa hindi pag-remit ng kontribusyon ng kanilang mga amo,” ani Estrada.

Si Estrada ang punong may-akda ng Batas Kasambahay o Republic Act 10361.

Sa survey na isinagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Statistics Authority (PSA), lumabas noong Oktubre 2019 o anim na taon matapos maging ganap na batas ang RA 10361, na nasa 83 porsiyento ng 1.4 milyong kasambahay ang hindi pa rin nakakakuha ng anumang social security benefit.

Sinabi rin ng SSS na para sa taong 2019, nasa 267,478 na kasambahay pa lamang ang nakarehistro sa SSS.

“Sa halip na patawan ng multa ang mga delingkwenteng employer, kailangan na isulong ang pakikipagtulungan sa kanila. Ang layunin ng Batas Kasambahay ay itaguyod ang kapakanan ng ating mga kasambahay at tiyakin ang kanilang kalusugan at produktibong relasyon sa kanilang mga amo,” paliwanag ng mambabatas.

Sa kanyang panukalang batas, iminungkahi ni Estrada na ang mga household employers na hindi nag-remit ng kontribusyon sa SSS ay maaaring bayaran ang kanilang pagkakautang o magsumite ng payment plan para sa installment basis sa loob ng anim na buwan sakaling maging ganap na batas ito.

Sakaling mabigo ang employer na makapagbayad ng kanyang kontribusyon sa loob ng anim na buwang palugit o pumalya sa anumang amortization, maaari nang singilin ang pagkakautang ng employer simula sa pinakaunang kontribusyon na dapat bayaran na naaayon sa Social Security Law o RA 8282.

Ang mga hindi rehistradong household employers o iyong mga may kasong may kinalaman sa pagkolekta ng kontribusyon o multa na nakabinbin sa korte o piskalya ay masasakop ng iminumungkahing condonation.

“Ito ay maghihikayat sa kanila na sumunod sa mga batas at magpatuloy sa pagbabayad ng kanilang mga kontribusyon para sa kanilang mga kasambahay,” sabi ni Estrada.

Sa ganang akin, napakagandang panukalang batas ito na dapat suportahan ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Palagi nating sinasabi ang kahalagahan ng mga kasambahay sa buhay ng mga pamilyang abala sa paghahanapbuhay.

Silang mga kasambahay ang gumaganap ng tungkulin sa bahay, kapalit ng pagsisikap ng ating mga kababayan na mairaos ang pang-araw-araw na pakikibaka sa buhay.

Marapat lamang na ibigay ang karamptang benepisyo sa kanila dahil dapat, ang turing sa ating mga kasambahay ay hindi mga alila, kundi parte na ng ating pamilya.