Lacuna Ipiniprisinta kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ng mga kapulisan ng MPD Barbosa PS-14 ang nadakip na nagpapanggap umanong empleyado ng Manila City Hall matapos maaresto dahil sa inilabas na arrest warrant laban dito. Kuha ni JON-JON REYES

‘Pekeng’ empleyado ng Manila City Hall kalaboso sa kotong

April 26, 2023 Jonjon Reyes 955 views

NAKALAWIT ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station Warrant Section ng Barbosa Police Station (PS) 14 ang nagpapakilala umanong empleyado ng Manila City Hall at sinasabing “nangingikil” diumano sa mga barangay chairman sa lungsod matapos matunton sa Bilibid Viejo, Quiapo, Maynila.

Ang suspek, nasa hustong gulang, ay nadiskubreng may arrest warrant sa kasong slight physical injury at maltreatment, ayon sa ulat ng pulisya.

Sa ulat ni P/Lt. Col. Roberto Mupas, station commander ng PS-14, bandang 7:00 ng gabi, Huwebes nang maaresto ang suspek.

Pinangunahan nina P/Capt. Fredwin Sernio, commander ng Palanca PCP at Laureano Daligdig ng Warrant Section kasama ang ilang mga operatiba ang paghahain ng arrest warrant sa suspek na ibinaba ni Judge Peter Steve Lim ng Regional Trial Court (RTC), Branch 3 ng Maynila sa nabanggit na kaso.

Bago ang pag-aresto, dumaan sa surveillance ang suspek dahil sa report na ito ay nagpapanggap na kawani ng Manila City Hall umano upang mapangikil sa mga punong barangay sa Sta. Mesa at karatig lugar.

Naglalako diumano ang suspek sa mga opisyal ng barangay na bibigyan ng ayuda mula sa TUPAD Program (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) ng gobyerno at pagkain mula sa isang fast food chain para sa piling pamilya mula sa Office of the Mayor Manila kapalit ng salapi.

Agad umaksyon ang Barbosa PS-14 matapos makita sa isang post sa Facebook ang sinasabing modus umano ng suspek kaya agad itong nadakip.

Matapos na masakote ang suspek ay iniharap ito kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at mariing sinabi na hindi lehitimong kawani ang nahuling suspek at walang katotohanan ang mga ipinapangako nito diumano.

Agad na pinapurihan ni “The Game Changer General” MPD Director P/BGen. Andre P. Dizon ang naging aksyon nina Mupas at kabuuan ng Barbosa PS-14 maging ng bumubuo ng Palanca PCP (Police Community Precinct).

AUTHOR PROFILE