Marbil PNP chief General Rommel Francisco Marbil

Gumagamit ng pangalan ni Marbil para mangotong sa mga iligalista huli

May 23, 2024 Alfred P. Dalizon 121 views

ISANG lalaki na diumano’y ginagamit ang pangalan ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco Marbil para mangolekta ng buwanang ‘protection money’ sa mga iligalista ang nadakip ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Sto. Tomas City, Batangas noong Miyerkules.

Nahulihan pa ng hindi lisensiyadong kalibre .45 na naglalaman ng pitong bala ang akusadong si Deanson Magsino ng mahuli ng mga ahente ng CIDG Region 4A sa General Malvar Avenue sa Brgy. Poblacion 1 sa Sto. Tomas City dakong ala-1:30 ng umaga.

Ipinagutos na ni Gen. Marbil ang malawakang imbestigasyon sa mga balitang si Magsino at isang ‘Steve Andrew’ ginagamit ang kanyang pangalan para mangolekta ng ‘protection money’ sa mga iligal na establisyemento at gambling dens sa Laguna, Batangas at Cavite at karatig pang lugar.

May mga ulat na sangkot sa naturang raket ang dalawa at ginagamit ng ibang mga diumano’y pulis para matuloy na makakolekta ng buwanang suhol sa mga iligalista gamit ang pangalan ng mga hepe ng pambansang pulisya lingid sa kanilang kaalaman, isa na sa kanila si Gen. Marbil.

Sinabi ni Gen. Marbil na inutusan na niya ang PNP-CIDG na pinamumunuan ni Major Gen. Leo Francisco at iba pang mga PNP operating units na agad na arestuhin ang sinumang tao na gagamitin ang kanyang pangalan para makakuha ng ‘protection money.’

Ayon sa ulat ng CIDG Region 4-A kay Maj. Gen. Francisco, naaresto ang suspek matapos na makatanggap ang kanilang opisina ng isang tip tungkol sa isang armadong lalaki na naglalakad sa General Malvar Avenue sa Sto. Tomas City madaling araw ng Miyerkules.

Isang team ng mga operatiba mula sa CIDG Region 4-A headquarters sa Calamba City ang sumugod sa naturang lugar kung saan namataan nila at agad na dinakip si Magsino matapos na wala siyang maipakitang papeles ng kanyang baril kabilang na ang Permit-to-Carry-Firearms-Outside-of-Residence.

Ang suspek nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013.

AUTHOR PROFILE