BBM

Pangulong Marcos binigyan ng lupa Catbalogan farmer na 32 taon nang nagsasaka

May 24, 2024 People's Journal 107 views

NAGPASALAMAT ang isang 77-anyos na magsasaka sa Catbalogan City, Samar kay Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa wakas ay naibigay na rin sa kanya ang agricultural land na kanyang sinasaka sa loob ng mahigit 32 taon.

Si Francisco Asuncion ng Catbalogan City ay isa lamang sa mahigit 5,000 Agrarian Reform beneficiaries sa Eastern Visayas na tumanggap ng land titles mula sa Pangulo sa pamamahagi ng land titles at support services.

Sa naturang okasyon ay pinasalamatan ni Asuncion ang Pangulo sa pagtupad nito sa kanyang campaign promise na magkakaloob ng lupa sa mga landless farmer at iba’t ibang serbisyo upang palakasin ang kanilang produksiyon.

Kinilala rin ni Roque G. Meronio, isang 52-year-old farmer na tumanggap din ng land title mula sa Pangulo, ang mga pagsisikap ng administrasyon na maghatid ng kaunlaran sa lalawigan sa pamamagitan ng mas malakas na public infrastructure.

Ibinahagi ni Meronio na ang natapos na uni-bridge projects sa Brgy. Sigo sa Barral II, Calbayog City ay nakatutulong sa komunidad, partikular sa paghahatid ng agricultural products at sa mga taong may sakit.

Itinurnover ni Presidente Marcos ang apat na natapos na PBBM bridges (Pang-Agraryong Tulay para sa Bagong Bayanihan ng mga Magsasaka) sa Southern Leyte, Calbayog City, at Eastern Samar na may kabuuang budget na P78.172 million.

Sinamahan din ni Eastern Samar Vice Governor Maricar Sison-Goteesan ang mga magsasaka sa pagpapahayag ng kanilang pasasalamat sa Pangulo, gayundin kay Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III sa pagkakaloob sa mga magsasaka ng pagkakataon na mapasakanila ang mga lupang ilang taon na nilang sinasaka.

Hinikayat din niya ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na pahalagahan ang oportunidad na ipinagkaloob ng pamahalaan.

Bukod sa pamamahagi ng land titles, pinangunahan din ni Presidente Marcos ang distribusyon ng P509.45 million na halaga ng support services intervention sa ARB organizations at communities tulad ng farm-to-market roads, PBBM bridges, irrigation projects, at farm machineries.

Gayundin ay sinabi ni Presidente Marcos na itinatayo ang farm-to-market roads sa Cabarasan Daku-San Agustin at San Agustin-Cangumbang kapwa sa Palo, Leyte, Brgy. Kawayan-Sto. Niño at Crossing San Roque-Sitio Kulapniton, sa Tacloban City.

Idinagdag pa ni Presidente Marcos na nagkaloob din ang pamahalaan ng mahigit 2,000 machineries at iba pang kagamitan na nagkakahalaga ng P10.28 million sa 1,694 benepisyaryo sa Eastern Visayas.

“Dagdag po pa rito, sinisiguro ng DAR na may pautang pang-agrikultura na maaaring lapitan ng ating mga magsasaka para makapagsimula ng maliit na negosyo at mapaunlad ang kanilang kabuhayan,” sabi ni Presidente Marcos.

AUTHOR PROFILE