Hontiveros

Pag-alis ng bond para sa monetary benefits tagumpay ng seafarers–Sen. Risa

May 23, 2024 PS Jun M. Sarmiento 120 views

TINAWAG ni Sen. Risa Hontiveros na malaking panalo para sa mga seafarers ang pagtanggal sa probisyon sa Magna Carta of Filipino Seafarers na naglalayong pagbayarin sila ng execution bond lalo na para sa mga nalubog sa gastusin dahil sa pagpapagamot.

“Salamat sa mga kasama ko sa bicameral conference committee at pinakinggan nila ang ating mga paliwanag laban sa hindi patas at unconstitutional na provision na ito,” ayon kay Hontiveros.

“Masalimuot man ang ating pinagdaanan, sa wakas, ang ating pakikibaka nagbunga ng panalo para sa mga seafarers.”

Kung nanatili ang probisyong iyon, pagbabayarin dapat ang mga seafarers ng bond bago nila makuha ang monetary benefits dahil sa kanilang kapansanan.

“Walang katwiran ang probisyong ito. Kaya nga hinihingi na agad ng isang seafarer ang mga benepisyong iyan dahil wala na siyang magastos pa.

Lubog na nga sa medikal na gastusin, lulunurin pa ng bond? Hindi naman yata tama ‘yan,” paliwanag ni Hontiveros.

Ngayong uusad na ang batas, mabibigyan ng mas malakas na proteksyon ang mga seafarer mula sa abuso at paglabag ng kanilang karapatan at kapakanan.

“Ang batas na ito para sa bawat seafarer na tinawag na bagong bayani dahil sa kanilang kontribusyon sa ating bansa. Naririnig namin kayo, mga kababayan,” ayon sa senador.