Default Thumbnail

Criminology grad na walang helmet huli sa baril, shabu

April 26, 2023 Edd Reyes 239 views

PATONG-patong na kaso ang kakaharapin ng isang Criminology graduate na sinita lang ng pulisya dahil sa hindi pagsusuot ng helmet habang nagmomotorsiklo matapos makuhanan ng baril at iligal na droga Martes ng hapon sa Malabon City.

Nagsasagawa ng “Oplan-Sita” ang mga tauhan ni P/Capt. Rommel Adrias, Commander ng Malabon Police Sub-Station 5, batay na rin sa direktiba ni City Police Chief P/Col. Amante Daro, sa kanto ng Lapu-Lapu Avenue at Dalagang Bukid St. sa Bgy. Longos dakong alas-5 ng hapon nang sitahin nila ang rider, 25, residente ng Bgy. Kaunlaran Village, Navotas City bunga ng hindi pagsusuot umano ng helmet.

Nang hanapan ng lisensiya sa pagmamaneho at rehistro ng minamanehong motorsiklo, tanging rehistro lamang ang naipakita ng suspek na natuklasan pang hind nakapangalan sa kanya kaya’t inatasan siya nina P/SSgt. Darry Misa at P/SSgt. Rey Legemna na buksan ang compartment ng motorsiklo.

Dito na nakita ng mga pulis ang isang kalibre .22 na revolver na may kargang apat na bala at nang tanungin kung may kaukulang dokumento ang baril, walang naiprisinta ang suspek kaya’t kaagad siyang inaresto ng mga pulis.

Matapos sabihin ang kanyang mga karapatan, kinapkapan na ng mga pulis ang suspek hanggang makuha sa bulsa ng suot niyang damit ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng 1.09 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P7,412.

Sinabi ni P/SSgt. Kenneth Geronimo, may hawak ng kaso, na sinampahan nila ng mga kasong driving without license, paglabag sa Motorcycle-Helmet Act, paglabag sa RA (Republic Act) 10691 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at possession of illegal drugs sa ilalim ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Malabon City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE