Default Thumbnail

P5,500 ‘toll fee’ sa Tupad program sa QC

September 8, 2021 Allan L. Encarnacion 585 views

Allan EncarnacionMAKAILANG ulit ko nang naisulat ang tungkol sa pagiging gatasan ng ibang local politicians ang pagkakaroon ng job orders.

Ito iyong sinasabi natin na dapat busisiin ng Commission on Audit sa halos lahat ng lokalidad ay nangyayari.

Sa mga hindi nakakaalam, ang bawat gobernador, bise gobernador, mga provincial board members, mga alkalde, bise-alkalde, mga konsehal, mga department heads at mga barangay kapitan ay may mga slots para sa job orders.

Ang pinakamaraming alokasyon ay iyong mga nasa tuktok o nasa mataas na posisyon. Iyung nasa tuktok, pinakamaliit na job orders nila ay hindi bumababa sa 200 tao. Ang bawat isa dyan ay sumasahod karaniwan ng P7,000 hanggang P10,000 monthly. Dito itinatago ang mga ghost employees dahil ang ibang sugapa, bio-data lang ng kanilang mga consitutuents ang isina-submit na one time big time na pirmahan para sa P2,00 or P3,000 ayuda kuno pero sa buong taon, sila mayor at gov ang kukubra ng suweldo nila.

Iyong job orders ay matagal ko nang naririnig pero itong DOLE Tupad program scam na nangyari sa Quezon City ay first time nating nakita.

Sa job orders kasi ng local government, madaling madugas ang pera kasi sa sariling pondo nila pinapasahod ang mga ghost employees. Pero iyong Tupad, national government yan kaya may mga service provider sa pagpapasuweldo.

Lumalabas sa kuwento ng mga nagreklamo sa Bgy. Holy Spirit, Quezon City mula pa 2015 ay kasama na sila sa Tupad program ng gobyerno. Ang Tupad ay tempory jobs sa mga mahihirap nating kababayan na pinapasahod ng DOLE ng hindi bababa sa P7,500 for 14 days na paglilinis sa mga community.

Pinadadaan ng DOLE sa mga district representatives para mas madaling matukoy ang mga poorest of the poor na nangangailangan ng temporary jobs. Ayon sa mahigit 1,000 complainants sa Bgy. Holy Spirit, kinuha sila para sa Tupad program.

Sa tuwing kumukuha ng sahod sa service provider, may nakaabang para kunin ang P5,500 at ibigay naman sa kanila ang P2,000.

Iyong iba, P1,000 lang ang ibinibigay. Sinong mag-aakalang may mobile toll gate palang umiiral sa ganito kagandang programa ng Labor department?

In fairness, marami namang kongresista ang may Tupad program sa kanilang distrito na hindi namang kinakaltasan ng “toll fee” ang mga pobreng ka-distrito nila.

Ayon sa ibang nagrereklamo, iyong iba sa kanila, hindi naman pinaglilinis sa komunidad, talagang “sustentado” lang ng opisina ng kongresista kaya nga lang.

Ang tanong, bakit ganoon kalakas ang loob na bawasan ng P5,500 ang suweldo ng mga tao? Saan napupunta ang P5.5 million monthly salary ng mga Tupad beneficiaries?

Kung noon pang 2015 nangyayari ito, sobrang laki na pala ang nawawala sa pondo ng Tupad.

Sinuspindi na ni Labor Secretary Bebot Bello ang nalalabing P59 million Tupad program sa QC habang iniimbestigahan ang issue.

Kung sino man ang utak nito, binabati kita, may sarili ka nang trono sa impiyerno!

[email protected]