Vic Reyes

Marijuana, timbog sa MICP

April 28, 2024 Vic Reyes 59 views

SA tinigin natin ay nagbabasakali na lang ang mga ismagler ng iligal na droga na makalusot sa aduana ang kanilang mga kontrabando.

Alam naman kasi nilang napakahigpit ngayon ng mga taga-Bureau of Customs (BOC), na pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio.

Mabibisto at mabibisto ang mga nakatagong kontrabando sa mga bagahe sa pamamagitan ng x-ray at sniffing dogs.

Nandiyan pa ang mga tinatanggap na “tip” na galing sa mga well-meaning citizen.

Ang problema lang ay baka isinasakay sa mga sasakyang dagat ang mga kontrabando na kagaya ng shabu, marijuana at sigarilyo.

Dito nahihirapan ang mga taga-BOC dahil mahirap bantayan ang mahigit na pitong libong isla sa buong Pilipinas.

Pero magastos ang “outright smuggling” kaya marami pa ring ismagler ang mas gustong magpalusot ng kontrabando sa pamamagitan ng tehnical smuggling.

Iyon nga lang, mahirap na rin magpalusot ng kontrabando dahil takot na ang mga “kasabwat” nilang lingkod-bayan.

Alam kasi nilang may kalalagyan sila kapag nakipagsabwatan sila sa mga ismagler at iba pang erring importers.

Kaya hindi na tayo nagtataka nang makasakote na naman sa Manila International Container Port (MICP) ng mga marijuana o kush.

Nagkakahalaga ng P29.4 milyon at tumitimbang ng 21,071 grams, ang mga dried marijuana leaves ay galing ng Thailand.

Pagkatapos na makatanggap ng derogatory information ang CIIS ay iniutos ni MICP District Collector Carmelita “Mimel” Manahan-Talusan na idaan sa x-ray screening at physical exmination ang shipment.

At dito na nga nadiskubre ang marijuana leaves, na ayon sa Republic Act (RA) No. 9165 at CMTA ay kasama sa dangerous drugs.

Pinuri naman ni Commissioner Rubio ang mga tauhan ni Collector Talusan dahil sa kanilang “good work.”

Si Collector Talusan ay anak ni dating BOC Deputy Commissioner Julie S. Manahan, kapatid ni ex-Ilocos Sur Gov. Chavit Singson.

***

Mabuti naman at puwede ng magsuot ng “light uniforms” ang mga pulis, jail guard at bumbero dahil sa init ng panahon.

Ang order ay pinalabas ni Secretary Benhur Abalos Jr. ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sinabi ni Abalos na kailangan ding mapangalagaan ang kaligtasan ng mga pulis, jail guard at bumbero habang nasa duty sila.

Ayon sa kanya, hindi biro ang sobrang init na nararanasan ngayon sa ibat-ibang lugar sa bansa dahil sa epekto ng climate change.

Tama ang order ni Abalos dahil kitang-kita naman ang hirap ng mga men and women in uniform habang nasa duty.

***

Dahil sa tindi ng init ng panahon, napipilitan ang taumbayan na gumamit man lang ng electric fan habang nasa loob ng bahay.

Lumalaki tuloy ang konsumo ng kuryente na nagpapahirap sa mga taong walang-wala na napipilitang gumamit ng electric fan.

Lalo na ang mga pamilyang may mga miyembrong may sakit.

Pahirap itong nararanasang init ng panahon. Mabuti pa ang mga lugar na malapit lang sa dagat at ilog.

Ang mahirap nga lang heavily-polluted naman ang ating mga ilog dahil ginagawa ngang tapunan ng basura ang mga ito.

Baka magkasakit pa ng leptospirosis kapag naligo sa mga maruruming ilog.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE