Pagasa

Mga residente ng metro pinag-iingat sa init

March 26, 2024 Zaida I. Delos Reyes 93 views

MAKAKARANAS ang mga residente ng Metro Manila ng nakakapasong init dahil posibleng umabot mula 38 degrees Celsius hanggang 40 degrees Celsius ang temperatura partikular na sa tanghali at hapon.

Ito ang naging babala ng Philippine Atmospheric , Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes sa mga residente ng Metro Manila .

Sinabi ni weather specialist Benison Estareja na marami ring lugar sa Mindanao ang maaring makaranas ng nakakapasong init kung saan posibleng umabot sa 42 degrees Celsius ang heat index.

Kabilang sa mga lugar na makakaranas nito ang Davao, Zamboanga , Cotabato City at General Santos City.

Posible rin aniyang makaranas ng mataas na heat index ang ibang lugar tulad ng Tuguegarao City, Laoag City at Legazpi City.

Aabot naman sa 39 degrees Celsius ang heat index sa Cebu, Tacloban at Iloilo.

Paliwanag ng PAGASA ang heat index na 42 degrees Celsius ay mapanganib o nasa ilalim ng danger level.

Payo ng ahensya, limitahan ang mga outdoor activities, umiwas na mababad sa sikat ng araw, uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang heat cramps, heat exhaustion, heat heart stroke.