Mga aral sa community pantry
KUNG mayroon mang naibigay na buti ang maeskandalong pagkuha ng pagkain sa community pantry sa Pasig City, iyon ay ang pagbubukas ng kamalayan na ito ay isang maling gawi na hindi dapat nangyayari.
Hindi na ako dadagdag sa mga bashers ng mga gumawa nito dahil mas gusto ko silang unawain.
Bagama’t marami sa atin ang alam naman ang Golden Rule, hindi pa rin maiiwasan na may mga damong ligaw kahit saang luntiang bukirin.
Dahil sa nangyari sa Pasig, nakita natin na mas nagkaroon ng sistema ang mga community pantry. Ang nagbago lang, nagkaroon na ng bantay samantalang ang unang konsepto nito ay wala.
Ang intensiyon talaga sana ng community self-distribution ay “honesty pantry” na puwedeng kumuha ang kahit sino at kahit ano huwag lang uubusin at huwag lang sobra-sobra. Iyong sapat at tapat na pagkuha.
Nagtatakal-takal at nakaimpake na rin tuloy ang karamihan sa mga community pantry kaya nawala na iyong isang maganda sanang aspeto na “rebuidling the character a true-blue Filipino.”
Inabot ko pa kasi iyong mga mabubuting kapitbahay na nagtutulungan at nagbibigayan ng mga ulam o iyong kahit may maiwanan kang gamit sa labas ng bahay mo, hindi nawawala. Kaya nga nakakasabik sanang makita nating tagumpay ang original na konsepto ng “honestry pantry.”
Pero sabi nga, sino tayo para husgahan ang grupo ng kababaihan na sabihin nating nagkaroon lang ng lapse in judgment? May sinasabi sa Ingles na “one misdeed cannot define your character.” Tiyak na may good side din naman sila.
Pangkaraniwang tao sila, nasa hanay ng mga mahihirap pero hindi pa rin dapat yurakan ang kanilang pagkatao sa isang pagkakamali.
Palagi ko ngang sinasabi sa mga umpukan, kung ang ibang mainstream media ay cruel o malupit sa pagtrato sa kanilang mga subject, ang social media in general ay isang mob na “brainless at heartless.” Lahat puwedeng sabihin, lahat puwedeng maglagay ng maisipan nila.
Walang clearing house, walang editing, walang censorship. My wall, my rule!
Ang karakter ng social media na ito ang dapat nating maging sukatan ng ating mga ikinikilos para maisawasang makaladkad sa publiko ang iyong pagkatao.
Kung noong araw ay sina lolo’t lola, nanay at tatay lamang ang nakabantay sa ating mga galaw, ngayon, palaging may mata sa iyong paligid. Ilang personalidad na ba ang nabandera sa mga kahihiyan dahil sa paglantad ng kanilang karakter kapag wala sa harap ng professional camera?
Wala silang kamalay-malay ng iyong mas maliit na camera sa cellphone ang sisira ng kanilang pagkatao at ang wawasak ng kanilang career.
Ang bottomline nga ng lahat nangyayari sa community pantry, makikita mo ang mga totoong tao sa totoong buhay, doon mo rin makikita ang mga nagbibigay ng mga pagkain hindi para sumikat kung hindi para tumulong.
Huwag din nating kalimutan, may mga kababayan din tayo na sakay na ng mga jeep na parang mga nagbi-Visita Iglesia na lahat ng community pantry ay kinukuhanan ng pagkain. Test of character din at ito ay ang breakdown ng totoong matinong ugali ng mga Pilipino.