Ice

Liza ’di sinusukuan ang pagbubuntis kay Ice… OPM hitmaker suportado ang ‘Dragons Unleashed’

April 28, 2024 Ian F. Fariñas 91 views

IrisBUKAS na bukas pa rin pala sa ideya ng pagbubuntis via in vitro fertilization (IVF) ang dating Film Development Council of the Philippines (FDCP) chief na si Liza Diño-Seguerra sa mister niyang si Ice Seguerra.

Matagal na itong naging usap-usapan kahit noong panahong nasa FDCP pa si Liza pero laging nauudlot dahil sa pagiging busy niya sa iba’t ibang mga proyekto para sa industriya ng pelikula.

Sa katatapos na mediacon para sa two-night interactive concert ni Ice na Videoke Hits na nakatakdang ganapin sa Music Museum sa May 10 at 11, muling inurirat ng entertainment press ang topic.

Ito ay matapos ikwento ni Liza ang tungkol sa gagawin nilang play ni Ice na mapapanood bandang Mayo.

Paliwanag niya, “Dati kasi, kaya posible siya, naiisip naming gawin, kasi puwede naming gawin dito sa Philippines. So, hindi ko kailangang umalis o magpunta sa ibang bansa.

“Pero dahil nga celebrity raw kami, and talagang sa world ng ano, unethical siya, parang ayaw na nilang gawin sa amin, kasi baka ma-publicize siya, kapag ginawa nila ‘yung procedure na ‘yon sa amin.

“Kasi only married couples, o mga babaeng hindi puwedeng magkaroon ng anak, ang puwede. Not even single mom, hindi ka puwede dito, so kailangan mong pumunta ng Malaysia, o ibang bansa.”

Dagdag niya, “So imaginin mo, kung pupunta ako ng ibang bansa, aabutin ako ng ilang buwan. nu’ng nasa FDCP ako, ni hindi nga ako makaalis ng sampung araw sa Pilipinas, ‘di ba? Even if I travel, parang ang laking bagay ‘pag umaalis ka.” So, akala raw niya, okay na. Medyo naisantabi ang usaping ito, lalo na nang itayo nilang mag-asawa ang Fire and Ice.

“Akala ko okay na, kasi nga parang 42 na rin ako, ‘di ba? Sabi ko kay Ice 33 ako forever. But anong tawag nito? Dahil pinuproseso namin itong play, nu’ng nag-come-up ‘yon, para sa kanya, it’s still… naiisip niya pa rin. ‘Andu’n pa rin ‘yung eggs niya. So, sabi ko ‘ba’t hindi mo sinasabi?’ Tapos sabi niya, ‘eh, hindi mo rin siya binabanggit, eh.’ So, ayun. So I feel that this play will allow us to… ano ba… explore ‘yung mga ganu’ng pinagdadaanan ng couples na ano… through a play namin gagawin ‘yon.

“So, sinabi ko sa kanya, I’m open. Sabi ko, may mga nagsabi naman sa amin na hanggang 45 (years old)… so kung mangyayari ngayon, di game. Kaya lang, ‘yun nga, after ng mga gagawin namin for Fire and Ice, kasi ito, sobrang laki rin ng investment, ‘yung kailangan na talaga namin ng mga ganitong concerts para, you know, parang ito ang bago naming baby din, ‘di ba? But we should, we will make time, sana in the future,” pagtatapos ni Liza.

Anyway, bukod sa Videoke Hits, na mismong si Ice rin ang magdidirek, eh, guest din ang OPM icon/hitmaker kasama sina Laarni Lozada at ang Lipstick Band sa Dragons Unleashed concert ng Dragons Entertainment Productions Inc. ng pamosong hairdresser/make-up artist na si Bambbi Fuentes.

Makakasama ni Ice sa performance na nakatakdang idaos sa Music Museum sa May 22 ang Dragon artists sa pangunguna nina Khai Flores, Shira Tweg, Christa Jocson, Mira Aquino, Elle Fernandez, Ariz Rodil, ang all-girl group na Irizz at marami pang iba.

Para sa benefit ng Servants of Charity, available na ang tickets para sa Dragons Unleashed sa Music Museum o sa 0945-6328899.

AUTHOR PROFILE