Default Thumbnail

Serbian national nahuli ng BI dahil sa illegal drugs

April 28, 2024 People's Tonight 34 views

NASAKOTE ng mga agents ng Bureau of Immigration (BI) noong Huwebes ang isang Serbian national na wanted sa Estados Unidos dahil sa pagbebenta ng iligal na droga.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang Serbian na si Predrag Mirkovic, 60, na nasakote sa bar sa Angeles City, Pampanga.

Dinakip ang dayuhan sa bisa ng mission order mula kay Tansingco batay sa hiling ng United States government bunsod ng kaso nitong ilegal na droga.

May outstanding arrest warrant si Mirkovic na inisyu ng district court sa Maryland dahil sa conspiracy to possess and distribute controlled substances, isang paglabag sa US penal code.

Sinabi ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy na natanggap ng BI ang letter-complaint mula sa isang concerned citizen kaugnay sa pagkakasangkot ni Mirkovic sa bentahan ng droga sa Angeles City.

Hiniling ng complainant sa BI na agad i-deport Mirkovic sa pagiging undesirable alien.

Nabatid na mayroon ding warrant of arrest ang dayuhan na inisyu ng regional trial court-family court sa Calamba, Laguna dahil sa paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women Act na inihain ng dating Filipina partner ng pugante.

AUTHOR PROFILE