Default Thumbnail

Mayor Honey, VM Yul Servo nanguna sa groundbreaking ng ‘Paraiso ng Batang Maynila’

October 1, 2022 Edd Reyes 284 views

Parke pagagandahin ng MMDA

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, Vice Mayor Yul Servo Nieto at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Eng. Carlo Dimayuga III ang groundbreaking para sa pagpapaganda ng “Paraiso ng Batang Maynila Park” at inagurasyon ng isinaayos na basketball court Biyernes ng hapon sa Malate.

Sa kanyang pagsasalita, sinabi ni Dimayuga na ang pagpapaganda ng Paraiso ng Batang Maynila ay bahagi ng kanilang “Adopt-A-Park Project” na naglalayong ayusing muli ang mga pampublikong lugar sa Metro Manila na nasa pangangalaga ng mga lokal na pamahalaan. Ang pagsasayos aniya ng parke ay senyales ng pagsisimula ng maayos na parke na kalulugdan ng mga naninirahan sa distrito ng Malate.

“Sa pamamagitan ng inisyatibo ng ating Mayora Honey Lacuna, naisusulong natin ang mas malusog na Kamaynilaan dahil sa pagtatayo ng mga pasyalan na may open spaces at sa mga susunod na araw, ang lugar na ito ay magiging perfect spot para makipag-bonding ang ating mga mahal sa buhay,” sabi pa ni Dimayuga.

Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si Mayor Honey Lacuna sa MMDA dahil sa pagkakaloob ng kahalagahan sa naturang lugar na tinaguriang Paraiso ng Batang Maynila.

“Kasi, sila ang nagbigay ng pondo para maasyo po natin ang Paraiso ng Batang Maynila. Alam naman po nating lahat na ang ganitong klase ng mga parke, palaruan, ay makabuluhan para sa ating mental at physical na kalusugan at bilang isang doktora, yun po ang isa sa aking prayoridad,” pahayag pa ni Mayor Honey.

Ginunita rin ng alkalde na bago ang pagsasaayos ng parke, sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pagpapaganda sa Plaza Asuncion na nilagyan ng makulay na fountain at napasinayahan nito lamang Enero, sinundan ng Mehan Garden, Plaza Moriones, at Arroceros Park.

“Yun din po ang hangarin natin dito sa Paraiso ng Batang Maynila, ang magkaroon ng karagdagang wind spaces dito sa ating lungsod, gayundin para yung ating mga magulang, lolo at lola ay magkakaroon na ng lugar kung saan sila puwedeng magkuwentuhan, makapag-exercise at magkaroon din ng isang lugar na pahingahan,” dugtong pa ng alkalde.

Sa oras na makumpleto, ang 2,047 metro kuwadradong parke ay magkakaroon ng 200 metrong jogging path, 15 poste ng ilaw, 28 bollards, sampung magagandang bangkong upuan, 67 spot lights at bagong landscaping.

Matapos naman ang groundbreaking, nanguna rin sina Mayor Honey, Vice Mayor Yul Servo at Chairman Dimayuga sa pagpuputol ng laso bilang seremonya sa pagbubukas ng isinaayos na covered basketball court na may hardin, dalawang gazebo, garden pathway, apat na poste ng ilaw, 12 bollards, tatlong matibay na upuan at bago at malinis na palikuran.

“Sana naman po, makikisuyo lamang po kami lalong-lalu na dito sa mga kababayan natin sa kalye ng Leveriza, na sana ay panatilihin nating maayos ang lugar na ito dahil ito po ay para sa inyo,” ang apela ng alkalde sa mga taong dumalo sa seremonya.

AUTHOR PROFILE