Belmonte

Batangas PPO champion sa CDM competition

April 27, 2024 Jojo C. Magsombol 74 views

CHAMPION ang Batangas Provincial Police Office (PPO) at runner up ang Quezon PPO at Cavite PPO sa Civil Disturbance Management (CDM) Competition ng Police Regional Office (PRO) 4A.

Lumahok sa competition ang iba’t-ibang PPO ng PRO 4A kasama ang Regional Mobile Force Battalion 4A.

Isinagawa ang competition hindi lang bilang paghahanda sa posibleng malawakang protesta sa Labor Day kung hindi parte rin ng paglinang ng kakayahan ng kapulisan sa ganitong larangan.

Pinangunahan ng regional director ng PRO 4A na si Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas ang event.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa pagtugon sa anumang sitwasyon.

Layunin nito na mas palakasin pa ang kakayahan ng kapulisan sa pagtugon sa mga sitwasyon kung saan kailangan nilang pigilan ang mga hindi maayos at marahas na protesta.

Pinapaigting din nito ang pagpapanatili ng kapulisan ng maximum tolerance sa mga pagkakataong hindi mapigil ang mga raliyista.

Sumabak ang bawat CDM contingents sa pagsasagawa ng walong Basic CDM Formation at ang pagtugon sa iba’t-ibang senaryo na may kaugnayan sa kaguluhang sibil.

“Binabati ko ang Batangas PPO sa inyong ipinakitang kagitingan at gilas sa naganap na aktibidad. Prayoridad ng kapulisan ang kaligtasan ng mamamayan,” saad ni P/Col. Samson Belmonte, hepe ng Batangas PPO.

AUTHOR PROFILE