Default Thumbnail

Mayor Honey, VM Servo, nanguna sa pagpapailaw ng giant Xmas Tree, Belen

November 16, 2022 Edd Reyes 264 views

Ilang bahagi ng Maynila, may ‘holiday’ pailaw rin

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang magkakasabay na pagbubukas ng ilaw ng higanteng Christmas Tree at Belen sa Kartilya ng Katipunan, kasabay ang iba pang palamuting Pamasko sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod Martes ng gabi.

Nakatawag ng atraksiyon sa 45-talampakang taas na Christmas Tree ang kulay ginto at pilak na disenyo na sumisimbolo sa magandang hinaharap ng mga Manilenyo at sa eleganteng kaanyuan ng modernong siyudad ng Maynila.

Ang tila korona naman ay sumisimbolo sa koronang tinik na isinuot sa Panginoong Jesukristo nang ipako siya sa krus.

Ang disenyo ng higanteng Christmas Tree ay nilikha ng likal na alamat ng sining na si Norman Francis Blanco bilang paghimok sa mga Manilenyo na alalahanin ang pagsilang ng Panginoong Jesus.

Bukod sa naturang Christmas Tree sa Kartilya ng Katipunan, sabay-sabay ding pinailawan ang mga makukulay na palamuting Pamasko ng kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila ang National Museum of the Philippines-Fine Arts Building, Manila Central Post Office, Rizal Park, at Tutuban Center.

Kasama nina Mayor Dr. Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo sa pagpapailaw si Department of Tourism, Culture, and Arts of Manila Officer-in-Charge (OIC) Charlie Dungo habang dumalo rin sa okasyon upang saksihan ang pagsisimula ng selebrasyon ng “Paskong Manileño” sina District 1 Representative Ernesto “Ernix” Dionisio, Jr., District 2 Representative Rolan Valeriano, District 3 Representative Joel Chua, mga miyembro ng Manila City Council, at ibang mga pinuno ng mga departamento at mga kawani.

Sinabi ni Mayor Dr. Lacuna-Pangan na nararapat lamang na ipagdiwang ng mga Manilenyo ang Araw ng Pasko sa simpleng pagpapamalas ng kabaitan at pagtulong sa kapwa.

Bukod sa napakagandang atraksiyon, nakapakinig din ang mga dumalo sa magandang mga kantang inawit ng Universidad de Manila Chorale at Ramon Magsaysay High School Chorale.

AUTHOR PROFILE