Mariano

Malaysian sumama sa kababayan sa kulungan

October 11, 2023 Edd Reyes 305 views

Inaresto dahil sa tangkang ‘P30K suhol’ sa mga pulis

ARESTADO ang isang Malaysian national matapos umanong tangkaing suhulan ang mga pulis kapalit ng kalayaan ng kanyang kababayan na una ng dinakip bunga ng panggugulo at panlalait sa mga awtoridad Miyerkules ng madaling araw sa Taguig City.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District(SPD) Director P/BGen. Roderick Mariano, dakong alas-3:50 ng madaling araw nang magtungo sa Taguig Police Sub-Station 1 sa Bonifacio Global City (BGC) ang dayuhang Malaysian na si Jack Boo, 33, at inalok umano ang kapulisan ng P30,000, kapalit ng kalayaan ng kababayang nakilala lamang sa alyas “Chong” na dahilan para siya arestuhin at kumpiskahin ang salaping panuhol.

Batay sa ulat, nagpapatrulya sa The Fort Strip sa 5th Avenue BGC ang mga tauhan ng Taguig Police Sub-Station 1 nang mapansin nila ang lasing na si Chong habang naninigarilyo sa parking area ng BBQ Restaurant sa naturang lugar na isang no-smoking zone.

Magalang na sinabihan ng mga pulis ang dayuhan na bawal manigarilyo sa naturang lugar subalit sa halip na sumunod, ininsulto pa umano ng suspek ang mga pulis at tinangkang suhulan ng P2,000 payagan lang siyang manigarilyo.

Namagitan naman ang security guard ng establisimiento at sinabihan ang dayuhan na bumalik na sa loob ng restaurant na dahilan upang pagsabihan ng mga pulis ang tagapamahala na responsibilidad nilang paalalahanan ang kanilang mga kliyente sa umiiral na panuntunang pagbabawal manigarilyo sa no-smoking zone.

Dito na nagwala si Chong at nagsisigaw, nagmura at inalipusta ang mga pulis, kabilang ang isang police woman, na dahilan upang dakpin at kasuhan ng mga paglabag sa Article 151 o ang Disobedience to an Agent of Person in Authority, resisting arrest, alarm and scandal, unjust vexation at oral defamation.

Kasalukuyang magkasama sa custodial facility ng Taguig Police Sub-Station 1 ang dalawang dayuhan habang inihahanda na ang kasong corruption of public officials laban kay Jack Boo.

AUTHOR PROFILE