Ogie1

Trade launch ng A-Team ni Ogie dinagsa

May 25, 2024 Ian F. Fariñas 125 views

TODO suporta at dinagsa ng mga kasamahan sa industriya ang trade launch na isinagawa ng A-Team (Alcasid Total Entertainment & Artist Management) ni Ogie Alcasid sa CWC Interiors, BGC, Taguig noong Huwebes ng gabi.

Naglalakihang mga artista at OPM singers ang namataan sa okasyon sa pangunguna na ng concert king na si Martin Nievera, pati na sina Randy Santiago, Streetboys, Ryan Bang, Amy Perez, Lara Maigue, Jed Madela at ang misis ni Ogie na si Regine Velasquez.

Ayon sa batikang singer-songwriter, 21 shows ang ipo-produce ng A-Team simula ngayong taon hanggang 2025.

Nangunguna sa listahang ito ang major concert ni Martin na gaganapin sa Araneta Coliseum sa Sept. 27, back to back nina Lara at Gian Magdangal, na susundan ng reunion concert ng Streetboys nina Vhong Navarro, Jhong Hilario, Danilo Barrios, atbp. sa New Frontier Theater sa Nov. 8.

First time nga itong ipag-produce ni Ogie ng concert si Martin, na hindi agad makapaniwala sa plano ng kaibigan.

Biro tuloy ng concert king, “Ogie’s giving me a car, it’s what I’m told. It’s a car, it’s a bonus for this concert. No wheels, but a car.”

Nangako naman si Vhong na sisiguraduhin niyang kumpleto ang miyembro ng Streetboys para sa reunion dance concert.

As we all know, ang ibang original members ng grupong itinatag ni Direk Chito Roño ay pawang nasa abroad na gaya nina Spencer, Sherwin, Joseph at Michael.

Sa susunod na taon, iba-bankroll naman ng A-Team ang concert ni Noel Cabangon and friends na pinamagatang String Fever, Power X3 nina Jed Madela, Bituin Escalante at Poppert Bernadas pati na ang apat na leg ng concert series at 12 musical shows ni Ogie.

AUTHOR PROFILE