Malaking bagay ang P2.5B remittance ng PCSO sa Universal Health Care ng bansa!

September 15, 2022 Marlon Purification 128 views

Marlon PurificationKUNG tama ang ating tantya, ngayon lang nagkaroon ng P2.5 billon ‘remittance’ mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na magagamit para sa Universal Health Care Program ng bansa.

Ibinigay ang napakalaking halagang ito sa mismong 65th birthday ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

Salamat at may isang magaling na general manager ngayon ang PCSO sa katauhan ni Mel Robles.

Wala kasi tayong matandan na may ni-remit na ganitong uri ng halaga salapi ang nasabing ahensiya sa mga nakalipas na taon.

“We hope to make President Marcos’ birthday celebration even more meaningful. Providing better, affordable and accessible health services to all Filipinos ranks high in the president’s platform of governance,” ani Robles.

Kung matatandaan, sa mismong kasagsagan ng pandemya ay nagbabangayan pa ang Philhealth, Philippine Red Cross (PRC) at kahit ang Private Hospitals Association of the Philippines Inc.

Ito’y dahil nade-delay ang bayad sa kanila ng Philhealth kahit sabihin nating tayo’y na ilalim ng national health emergency dahil sa pagsirit ng kaso ng may COVID-19 noong nakalipas na dalawang taon.

Pero ngayon, wala pang 100 araw na nanunungkulan ang Pangulong Marcos sa Malakanyang ay may pondo agad ang ating Universal Health Care dahil na rin sa sinserong tulong na ibinigay ng PCSO sa ilalim ng panunungkulan ni Robles.

Take note, mga ate at kuya, si Robles ay na-appoint ng Palasyo nito lamang nakalipas na July 14, ngunit dalawang buwan pa lang ang nakalipas ay marami na agad itong magagandang programa na nagawa.

Ang P2.5 billion ay tinanggap mismo ni Philhealth spokesperson Shirley Domingo nang magkaroon ng press briefing noong kaarawan (September 13, 2022) ni PBBM sa Palasyo ng Malakanyang.

Ani Domingo, ang naturang halaga ay ita-transmit muna sa National Treasury saka ibabalik sa Philhealth.

Gagamitin ang malaking perang ito bilang pantustos sa mga kababayan nating may sakit, nasa hospital at kahit iyong nangangailangan ng dialysis sessions, gayundin ang pagpondo sa orthopedic at catastrophic benefits.

Kasabay ng pag-turn over ng P2.5 billion, nagsagawa naman ng national feeding program ang PCSO noon ding kaarawan ni PBBM.

Sinabi ni Robles na ang proyektong ito ay tinawag nilang: “Handog ng PCSO: Isang araw na salu-salo sa kaarawan ng Pangulo.”

Mahigit sa 100 probinsiya ang naglunsad nito kung saan ay libu-libong kabataan ang nakinabang sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ginastusan ang naturang programa ng mga operators ng Small Town Lottery (STL) na isa rin sa pinagkukunan ng pondo ng PCSO para higit pang mapagtagumpayan ang kanilang ‘charity works.’

Noong July 30, isang araw matapos yanigin ng Intensity 7 na lindol ang Luzon province ay agad ding nag-donate ang PCSO ng ambulansya sa La Paz, Abra Mayor Joseph Bernos.

Marami ang humanga sa mabilis na aksiyong ito ng PCSO na hindi na nag-atubiling magbigay-tulong mga kababayan nating nabiktima ng lindol.

Kamakailan ay tumanggap naman ng P11 million ang Philippine National Police (PNP) mula pa rin sa PCSO.

Bahagi ang perang ito mula sa STL revenues na magagamit din ng PNP para naman pagpondo ng kapulisan sa pakikipaglaban sa mga kriminal.

Tunay na nakahahanga ang ipinapakitang dedikasyon sa trabaho ni GM Mel Robles.

Harinawa’y lumakas pa ang kita ng PCSO dahil nasisiguro kong sa bagong management ngayon, tiyak na taumbayan na ang makikinabang hindi tulad dati na bulsa lamang ng iilan.