Lorna

Lorna, payag maging lola ni Coco sa ‘Batang Quiapo’

January 23, 2023 Vinia Vivar 548 views

Kung aaluking muli si Lorna Tolentino ni Coco Martin para maging part ng FPJ’s Batang Quiapo, siyempre ay hindi raw niya tatanggihan.

“Hindi ko naman ini-expect, pero parang sa tingin ko, lahat yata ng nakasama niya sa FPJ’s Ang Probinsyano, unti-unti niyang ipapasok sa Batang Quiapo. Tingin ko lang, kasi ‘yun ang pagkakakilala ko kay Coco,” sey ni LT nang makatsikahan namin sa grand opening ng Beautederm Corporate Headquarters sa Angeles City last Saturday.

Hindi pa naman daw siya kinakausap at siyempre, depende pa rin daw kung may babagay na role sa kanya.

Pero kung aalukin siya, siyempre ay papayag siya lalo na kung magtatagal dahil masaya raw kasama sa set ang team ni Coco na as we all know ay matagal niyang nakasama sa FPJAP.

Asked kung payag siyang maging kontrabidang muli, aniya ay kahit anong role okay sa kanya.

“Kahit ano, basta may work, kahit lola niya (Coco),” natatawa niyang sey.

Samantala, bilang isa sa pioneer ambassadors ng Beautederm, dumalo si LT star-studded ang grand opening and ribbon-cutting ceremony ng Beautederm Corporate Headquarters.

Naroroon din ang iba pang Beautederm ambassadors tulad nina Bea Alonzo, Korina Sanchez, Anna Feo, Ynez Veneracion, Darren Espanto, Boobay, Alynna Velasquez at Sylvia Sanchez.

Masayang-masaya ang CEO ng Beautederm na si Rhea Anicoche-Tan dahil natupad na ang isa sa mga pangarap niya at ito ay magkaroon ng sariling building.

Ang nasabing building ay may sariling coffee shop (Beaute Beanery), high-end boutique (A-list Avenue), derm clinic (BeauteHaus) at mayroon din itong studio for pictorials and photo shoots.

“This building is more than just a structure. This building is a testament to what hard work and a lot of faith could accomplish,” pahayag ni Miss Rhea.

SUNSHINE SA BASHER: ’WAG MASYADONG NAGMAMARUNONG

Sinagot ni Sunshine Dizon ang isang basher na nag-react sa kanyang pagbabalik sa Kapuso network.

Yes, GMA-7 na ulit ang aktres matapos gumawa ng proyekto sa ABS-CBN last year, ang Marry Me, Marry You.

Sa kanyang pagbabalik sa Kapuso, makakasama si Sunshine sa bagong programa network na mapapanood na sa darating na Pebrero, ang upcoming action-adventure series na Mga Lihim ni Urduja.

Ikinatuwa ng marami ang pagbabalik sa GMA-7 ni Sunshine pero may isang netizen na nagkomento na huwag na siyang bumalik dahil hindi naman siya kawalan sa network.

Hindi ito pinalampas ng aktres at sinagot niya ito nang bonggang-bongga.

Aniya, wala siyang sinunog na tulay at pwede niyang makatrabaho kahit sino.

“’Wag pong kuda nang kuda hindi mo alam ang real story. wala akong na burn na bridge. I can work with anyone I want to work with. I can also choose not to work kung gusto ko,” aniya.

Payo pa niya sa basher, “’wag masyadong nag MAMARUNONG. TY.”

Sa bagong serye ni Sunshine sa GMA-7 ay makakasama niya ang mga Sang’gre ng remake ng Encantadia na sina Sanya Lopez, Gabbi Garcia at Kylie Padilla.

AUTHOR PROFILE