Liwanag sa dilim

June 27, 2022 Joey C. Papa 112 views

JoeyLinggo-linggo na ang pagtaas ng produktong petrolyo o langis.

Tumataas ng walang humpay ang presyo ng gasolina at diesel sa madaling salita..

Mahalaga ang diesel at gasolina sa ekonomya lalo na sa transportasyon.

Ang pagpasok ng mga manggagawa sa pabrika, pampubliko at pribadong opisina ay mahalaga rin ang diesel at gasolina para sa araw-araw na galaw ng burukrasya.

Ngunit hindi raw kaya ng kasalukuyang pamahalaan ang problema. Inamin nila

May panlunas kaya sa problemang ito ang papasok na administrasyon?

Mabigat na problema ito. Hindi ito madadaan sa pagtatalaga ng mga ”bright boys.”

Ang kasalukuyang excise tax at value added tax kung maaalis ay pansamantalang lunas lamang.

Matagal nang nasa ating paligid ang renewable source of energy tulad ng araw, hangin at tubig. Matagal na ‘yan ngunit di binigyan ng pansin. Meron ilang windmills pero token lang hindi na nadagdagan.

Mauubos at mauubos ang mga langis na pinagmumulan ng refined diesel at gasolina. Kapag naubos ito, nganga tayong lahat.

Kaya may mga digmaan sa mundo ay dahil sa pagkontrol ng fossil fuel o langis sa ilalim ng lupa na minimina., Nasasaid ito.

Ngunit ang init ng araw, tubig sa dagat at ilog at hangin ay laging nariyan. Hindi mauubos.

Maging ang alon sa karagatan ay hindi mauubos. Magiging enerhiya ito na magbibigay ng kuryente sa maraming mahihirap na lalawigan sa ating bansa na hanggang ngayon ay ’di nakakatikim ng liwanag.

Ginagawa na ang tekolohiyang ito ng isang kumpanyang tinawag na Energies PH Inc.

Harinawang sumulong ang pamamaraang ito upang matulungan ang mga kababayan nating mahihirap sa mga mahihirap na komunidad.

Kailangan lamang na sa pagsasagawa nito sa karagatan ay maingatan ang mga bahura o coral reefs at lahat ng yamang-dagat upang di mapinsala ang mga ito.

Kailangan itong suportahan at itaguyod ng sinumang administrasyon ng bansa dahil para naman ito sa kabutihan ng maraming Pilipino lalo na yaong matagal nang di nakakakita ng dilim sa mga kalibliban ng atin bansa.

Nakalulungkot isiping maraming lugar sa katabi lamang ng Kamaynilaan ay walang kuryente. May pinupuntahan kaming lugar sa Tanay Rizal na walang kuryente!

Masisipag lang ang mga mag-aaral doon at idinadaos nila ang kanilang pag-aaral sa gabi sa pamamagitan lamang ng gasera at tiyaga upang makaahon sa hirap.

Siyam na ilog ang tinatawid nila mula Marcos Highway upang makarating sa barangay na ito. Kung minsan ay mapanganib pang maglakbay lalo na kung may bagyo.

Lalong walang internet sa komunidad na ito! May ilang puno dito na pinagsasabitan nila ng kanilang mga cellphone upang panaka-naka’y makakuha ng signal para sa text. Malaking tulong sana ang teknolohiya ng wifi sa kanilang mga araling kailangang ng research. Ngunit wala!

Ngunit pasasaan ba at may teknolohiyang darating din sa kanilang lugar marahil tulad nang ginagawa ng Energies PH Inc. Ngayon na maaaring umakma sa kanilang pangangailangan.

Harinawa. (bangonkalikasan@yahoo.com)

AUTHOR PROFILE