Huwag magpanic agad sa pagtaas ng Covid

June 27, 2022 Paul M. Gutierrez 82 views

PaulBAGO ang lahat, mainit at sinserong pasasalamat muna sa lahat ng mga kaibigan at mga kasamahan na bumati sa aking katatapos na kaarawan, kasabay ng “prinsesa” sa aming tahanan na si Alexa Marie. Harinawang patuloy tayong gabayan ng pagpapala at proteksyon ng ating Dakilang Bathala. I love you all, hehe!

***

Naging laman ngayon ng balita ang muling pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa Covid-19 sa iba’t ibang rehiyon sa bansa kabilang na ang Metro Manila.

Nasa anim porsiyento halos ang itinaas ng COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) batay sa datos ng OCTA Research group, isang independent na grupong nagmo-monitor sa kalagayan ng Covid-19 cases sa bansa.

Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 sa kabuuang bilang ng mga taong nasuri.

Ayon kay OCTA fellow Guido David tumaas ang positivity rate sa Metro Manila mula sa 3.9 porsiyento na ngayon ay nasa 5.9 porsiyento.

Mas mataas naman ang sa Rizal na umabot sa 11.9 porsiyento mula sa 6.3 porsiyento.

Sa aking minamahal (pero minamalas) na lalawigan ng Laguna, tumaas sa 7.5 porsiyento mula sa 3.1 porsiyento; Cavite sa 6 porsiyento mula sa 3.6 porsiyento; at, South Cotabato sa 7.4 porsiyento mula sa 6.3 porsiyento.

May mga naitalang pagtaas din sa kanilang COVID-19 positivity rate sa lalawigan ng Batangas, Benguet, Bulacan, Cagayan, Cebu, Iloilo, at Pampanga ayon sa OCTA.

Sa madaling salita, may pattern na nang pagtaas sa mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa at siyempre hindi ito magandang balita para sa ating lahat.

Unang-una ay ayaw na nating bumalik sa mga lockdown at quarantine restrictions. Sa usaping pang-ekonomiya, hindi pa talaga tayo nakakabawing mabuti at maraming mga Pilipino pa rin ang apektado ang mga trabaho at kabuhayan.

Kung muling malilimitahan ang kilos ng mga mamamayan, magkakaroon ito syempre ng epekto sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi lahat ay may maihahapag na kanin sa lamesa bawat araw.

Halimbawa na lamang, kung malilimitahan pa ang mga pwedeng sumakay sa pampasaherong dyip habang patuloy na tumataas ang presyo ng krudo, talagang mapipilitang gumarahe na lamang ang mga tsuper kesa mag-abono sa kanilang mga boundery. At kapag naging limitado pa lalo ang mga pampasaherong dyip, hirap na naman ang ating mga kababayan.

Hindi rin maganda ang lockdown lalo na sa ating pangkalusugang aspeto. Sa mga pag-aaral ikinababahala ang pagtaas ng mga taong depressed dahil sa pandemya. Hindi maganda lalo na sa mental na kalusugan ng isang tao na nakakulong lamang habang nangangamba sa mga pangangailangan nito sa araw-araw.

Gayundin, hindi nagiging maganda ang epekto nito sa mga bata lalo na sa kanilang personal development. Likas sa mga bata ang makisalamuha at matuto mula sa kanilang kapaligiran sa mga taong kanilang nakakasalamuha o nakaka-interact. Kung wala ito, makakaapekto ito sa kanilang development.

At siyempre, ang mga mag-aaral na talagang nahihirapan sa kalagayan sa online classes dahil hindi naman lahat ng mga mag-aaral ay may kakayanan na makipagsabayan dito. Mas nagiging mahal ang gastusin sa araw-araw na pang-load at pagbili ng mga kailangang gadget para sa online classes.

Pero ang mas apektado ay ang sektor pangkalusugan natin. Hindi natin gugustuhin na muling mapuno ang ating mga ospital at magtrabaho nang halos 24 oras ang ating mga health workers. Hindi natin gugustuhin na muli tayong maubusan ng paracetamol at magmahal muli ang mga facemask.

Alam natin marami pang mga bagay ang hindi maganda sa panahon ng lockdown. Maraming mga negatibong dulot ito kung bakit nangangamba tayo sa muling pagtaas ng mga kaso ng covid-19 sa bansa.

Pero hindi dapat tayo mag-panic agad at baka maitulak ang ating mga opisyal na maging option na naman ang lockdown. Alam nating marami na tayong natutunan sa panahon ng pandemya at alam natin na hindi ang lockdown ang laging solusyon.

Isa pa, kailangan munang tignan kung sinu-sino ba ang mga nahahawaan. Ito ba ay mga taong hindi bakunado? O anong klaseng covid positive ang mga ito? Sila ba ay asymptomatic o symptomatic? Sa anong variant ba sila nagpositive?

Mahalaga po ang mga tanong na ito dahil magmumula po sa mga tanong na ito kung dapat ba tayong agad na mabahala. Hindi po tayo dapat agad nagpapadalos-dalos ng desisyon.

Ang mga eksperto na rin ang nagsasabi na magiging bahagi na ng buhay natin ang Covid-19. Hindi na mawawala iyan. Pero ang mahalaga ay may bakuna ang mga tao panlaban dito. At kahit na may bakuna ka na, maaari ka pa ring magpositibo pero mababawasan ang pagiging high risk o maging malala.

Halos bumabalik na tayo sa dating buhay na mayroon tayo. Nagsisimula nang makabangon ang ibang mga negosyo at makabalik ang mga tao kanilang mga trabaho. Sa susunod na pasukan inaasahan na nating makabalik sa mga eskwelahan ang mga estudyante. Hindi natin gugustuhin na bumalik tayo sa dati.

Maaaring may pagtaas tayo sa kaso ng COVID-19 sa bansa pero higit tayong may panglaban sa sakit na ito ngayon. Maliban sa bakuna at ang pagsunod sa mga health protocols, marami na tayong kaalaman sa virus na ito na kung magagawa nating sundin ay ating maiiwasan.

Dapat tayong lalong mag-ingat sa pagtaas muli ng mga kaso pero hindi dapat tayong matakot. Huwag sanang magpabigla-bigla sa desisyon muli ang ating mga opisyal sa pagpapatupad ng mga restriksyon kung hindi naman talaga kailangan.

AUTHOR PROFILE