Maingat sa mga appointments

June 27, 2022 People's Tonight 73 views

Allan EncarnacionITONG PBMM administration na siguro ang pinakamaingat pagdating sa mga appointment ng kanilang mga magiging opisyal.

Habang isinusulat natin ito, marami pang sensitibong puwesto ang hindi pa nila naiihayag kung sinu-sino ang kanilang appointees halos wala nang isang linggo ay uupo na sila.

Ang DOH at DENR, Customs at iba pang key positions ang wala pang nababanggit na pangalan bagama’t maaring mayroon na pero sila-sila pa lang ang nakakaalam.

Sa tingin natin mas malalim ang bench ni PBMM kumpara sa naging bench ni outgoing President Dutrerte. Unang-una, hindi naman naging national politician si Digong kumpara kay BBM kaya hindi rin natin inaasahang makakakuha siya ng pinakamagagaling na appointees sa unang isang taon ng kanyang administrasyon.

Ang mabigat kay PBMM, mataas ang expectation sa kanya dahil naging magaling na Presidente ang kanyang tatay. Hindi naging ganito kataas ang expectation nang maging Presidente si Gloria Macapagal-Arroyo na anak ni dating Pangulong Dadong Macapagal. Hindi rin ganito kataas ang exectation nang maging Presidente si Noynoy kahit naging Pangulo si Cory.

Iyong mahigit 30 years na pagwasak sa pangalang Marcos mula 1986 at pagbangon ngayong 2022 ang lalong nagpabigat ng pasanin sa balikat ni Marcos junior. Ito iyong tingin kong pinag-iingatan mabuti ni PBBM kaya ganoon katindi ang vetting process ng mga itatalaga sa posisyon.

Marami tayong naririnig na pangalan, mga gigil na aplikante at mga hindi aplikante pero kinukuha. Hindi natin masasabing perpekto ang lahat ng magiging appointments pero ang importante sa ngayon ay ang mga naitalaga sa economic team.

Mula Finance, Budget, Neda, BSP pababa sa BIR, Customs ang kailangan talagang malakas na team dahil sila ang economic engine natin. Ang Security gaya ng AFP, DND, NSA, PNP, NICA ay mahalaga ring matatag para sa kaayusan ng bansa.

Ang Deped ay nasa poder na ni incoming VP Sara Duterte, ang Tourism ay si Mayor Frasco na at ang DSWD ay si Erwin Tulfo na ang incoming Secretary.

Iyong education sector ay kailangan talaga palakasin dahil malaki na ang ibinagsak ng literacy ng maraming batang Pinoy sa mga nakaraang dekada kaya mabigat din ang trabaho ni VP Inday.

Ang Tourism, dapang-dapa dahil sa covid 19 kaya kailangang mag-double time ni Sec Frasco.

Ngayong nakaamba ang food crisis, mataas ang presyo ng mga bilihin, nakaumang ang resesyon sa Amerika, dyan kailangang magkaroon ng mga pro-active na pagkilos si Secretary Tulfo. Hindi biro ang kahirapang dinaranas ng marami nating kababayan kaya importanteng maagap ang DSWD sa pag-rollout ng mga ayuda mula 4Ps hanggang sa mga bagong saklolo ng departamento.

Ilang araw mula ngayon, baka malalaman na natin ang buong PBBM team kaya kailangan nating ibigay ang lahat ng suporta sa paparating administrasyon dahil hindi madali ang problemang kanilang sasalubungin.

Para sa bayan, lahat tayo ay tumulong.

allanpunglo@gmail.com

AUTHOR PROFILE