Default Thumbnail

Lalaki minanyak menor de edad na may kapansanan, kulong

November 6, 2022 People's Tonight 261 views

KALABOSO ang 40-anyos na lalaki matapos umano niyang pagsamantalahan ang menor-de-edad na dalagitang may kapansanan sa pag-iisip sa Navotas City.

Kasong statutory rape ang isinampa ng mga tauhan ng Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) laban sa lalaking naninirahan sa Brgy. Tangos matapos positibo siyang kinilala ng dalagitang biktima.

Sa imbestigasyon ni Pat. Jenelyn Kiblong ng WCPD, lumabas ng kanilang bahay dakong 3 p.m. nito lamang Huwebes ang biktima upang bumili ng makakain sa isang tindahan sa R. Domingo St. subalit sinalubong siya umano ng suspek at niyakag patungo sa kanyang tirahan.

Dahil kulang sa wastong pag-iisip, madaling nahimok ng suspek ang dalagita na sumama sa loob ng kanyang tirahan na naging dahilan upang tuluyang mailugso ng lalaki ang kanyang pagkababae.

Nang makalabas ng bahay ang dalagita, nagsumbong siya kina Sonny Coronel at Ronald Buan, mga nagrorondang barangay tanod sa lugar, at sinabi ang ginawang panghahalay sa kanya ng suspek.

Hindi na nag-aksaya ng panahon ang mga opisyal ng barangay at kanilang dinakip ang suspek na inabutan pa sa loob ng kanyang tirahan.

Kabilang naman sa ebidensiyang iniharap ng pulisya sa piskalya ng Navotas City laban sa suspek ang positibong resulta ng isinagawang pagsusuri ng medico-legal ng Northern Police District (NPD) sa biktima na magpapatunay sa kanyang reklamong panghahalay.

AUTHOR PROFILE