Default Thumbnail

2 nanggamit ng hacked FB account sa online scam, tiklo

November 6, 2022 Melnie Ragasa-limena 455 views

ARESTADO ang dalawang babae nang i-hack at gamitin umano ang FB account ng isang dalaga sa kanilang online scam sa Quezon City, Linggo ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Mahalia Ariel Vilaga, 27, dalaga, tubong Cavite, at naninirahan sa 4 Antique St., Bago Bantay, Quezon City.

Kinilala naman ang mga suspek na sina Allaine Gamboa Santos, 20, dalaga, at Maina Gonzalo Francisco, 32, dalaga, kapwa residente ng 2144 M.H Del Pilar St., Brgy. 701, Malate, Manila.

Sa report ng Quezon City District Anti-Cybercrime Team (QCDACT), bandang 11:05 a.m. (November 6), nang isagawa ang entrapment operation laban sa mga suspek sa Paul John General Merchandise Smart Padala Store, 2130 Sanrise Place, M.H. Del Pilar, Malate.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Mark Evanz C Ducusin, noong October 29, bandang 7 p.m., nakatanggap umano si Vilaga ng multiple messages mula sa iba’t ibang FB accounts, na biktima umano sila ng umano’y online scam mula sa Facebook account ng isang Ariel Elnar na may URL: https://www.facebook.com/mahaliaariel.

Ayon sa biktima, ginamit ang kaniyang pangalan at larawan sa FB account ng mga suspek upang makapanloko ng mga tao sa online.

Dahil dito ay nagreport ang biktima sa mga operatiba ng QCDACT at pinayuhan siyang ipagpatuloy niya ang ang pakikipag-usap sa FB account para sa kanilang gagawing entrapment operation.

Nitong Linggo, bumalik si Vilaga sa QCDACT, at sinabing hinihingan umano siya ng mga suspek ng pera kapalit ng pag-delete o pag-deactivate ng FB account nito na kanilang ginawa para sa panlololo at nakipagsundo naman ang biktima na dadadalhin ang hinihinging halaga sa pamamagitan ng Smart Padala.

Agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng QCDACT/QC-CPU sa pangunguna nina PLt. Michael Bernardo, at MDACT na pinamumunuan ni PMaj. Reynaldo T. Salim, sa ilalim ng superbisyon ni PLt. Col. Jay D Guillermo, ng CRU/NCR RACU, na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang Xiaomi MI cellphone; Samsung A82018; P3,000 cash, at Smart Padala cash out slip na may claiming reference no. 7021a6411173.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Sec. 4(b)(3) (Computer related identity theft) at Sec. 5(a)(a) (Aiding or Abetting in the Commission of Cybercrime) ng Republic Act No. 10175 na mas kilalang “Cybercrime Prevention Act of 2012 laban sa mga suspek.