Kuwento na malapit sa katotohanan

August 4, 2022 Paul M. Gutierrez 207 views

PaulTAHIMIK na iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang isang grupo na umano’y nasa likod ng mga black propaganda at disinformation campaign kay Executive Secretary Vic Rodriguez.

Sa mga paunang nakalap na impormasyon, sinabi ng mga impormante na nagpapakilala umano ngayon ang grupo bilang isa sa mga ‘power brokers’ sa Palasyo ng Malakanyang.

Nabatid na noong nakalipas na eleksiyon, isa itong grupo sa umano’y mga nangangalap ng pondo para umano sa kandidatura ni Pang. Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Ipinagyayabang umano ng grupo sa mga gustong tumulong kay PBBM na personal silang magkakilala at mas mabuti na sa kanila padaanin ang ano mang suporta para kay PBBM.

Nabatid na kabilang sa umano’y mga nakunan ng pondo ay isang negosyanteng Chinese national sa lalawigan ng Cavite. Kapalit umano ng malaking halaga, nangako umano ang grupo ng malalaking government projects sakaling maupo na sa Malakanyang si PBBM.

Tumanggi naman ang Palasyo na magbigay ng komento sa isyu.

Ayon sa isang Palace official na ayaw magpabanggit ng pangalan dahil sa kawalan ng awtorisasyong magsalita sa publiko, hindi gagawin ng administrasyon ni PBBM na pumatol sa mga tsismis at espekulasyon nang walang hawak na ebidensiya.

Nabatid din na ilan sa mga iniaalok ng grupo ay mga ‘juicy positions’ sa mga ahensiya na may problema sa kredibilidad katulad ng Bureau of Customs, BIR at Land Transportation Office.

Karamihan sa mga kakuntsaba nito ay mga naging opisyal din ng pamahalaan, ngunit nagkaroon umano ng kaso.

Ayon pa sa mga impormante, nasira ang diskarte ng grupo matapos ibisto ng sikat na blogger na si Thinking Pinoy ang background ng mga inirekomenda umano nito bagay na nakarating din sa atensyon ni ES Vic Rodriguez.

Si Thinking Pinoy, RJ Nieto sa tunay na buhay, ay miyembro ng ‘screening committee’ ng BBM Headquarters.

Dahil sa mga naging takbo ng pangyayari, naglunsad umano ang nasabing grupo ng malawakang ‘disinformation campaign’ laban kay ES Rodriguez upang masira ang matagal na nilang pagkakaibigan ni PBBM at si Rodriguez ang pag-initan ng mga napangakuan subalit hindi naman nakakuha ng puwesto sa gobyerno.

Kung matatandaan, hindi pa man nag-iinit sa kanyang silya bilang executive secretary si Atty. Vic Rodriguez, biglang kumalat ang tsismis kamakailan na napilitan itong mag-resign dahil sa isyu ng pangongotong, bintang na agad ding itinanggi ng Malakanyang.

Abangan!

AUTHOR PROFILE