Default Thumbnail

Kinulong dahil mayabang

May 25, 2023 Edd Reyes 185 views

KAHAMBUGAN umano ang dahilan ng pagkakabilanggo ng 40-anyos na lalaki matapos dakpin ng pulisya habang ipinagyayabang umano ang hindi lisensiyadong baril Huwebes ng madaling araw sa Malabon City.

Nabigong makapagpakita ng lisensiya at permit to carry ng kanyang hawak na baril ang suspek na walang hanapbuhay at residente ng Libis-Espina St. Brgy. 8, Caloocan City nang sitahin siya ng pulisya dakong 4:30 a.m. sa kanto ng Lapu-Lapu at Pampano St. Brgy. Longos.

Sa ulat na ipinarating ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro kay Northern Police District (NPD) Director Ponce Rogelio Penones, Jr., nagsasagawa ng regular na pagpapatrulya sa Brgy. Longos ang mga tauhan ng Police Sub-Station 5 nang lapitan sila ng isang residente sa lugar upang isumbong ang pagyayabang umano ng suspek sa hawak na baril sa kahabaan ng Lapu-Lapu St.

Kaagad nagtungo sa lugar ang mga pulis at sa kanto na ng Pampano St. nila nakita ang suspek habang hawak pa rin ang isang revolver kaya’t kaagad nilang sinunggaban ang armas ng lalaki hanggang matuklasan na wala itong hawak na kaukulang papeles.

Nakuha ng mga pulis sa suspek ang isang kalibre .38 Smith and Wesson snub-nose revolver na may kargang dalawang bala sa chamber.

Sinabi ni Col. Daron na iprinisinta na sa Malabon City Prosecutor’s Office upang isailalim sa inquest proceedings si Villagomez kaugnay sa kakaharapin niyang kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

AUTHOR PROFILE