Rubio

BOC naharang P56M halaga ng shabu itinago sa household items, motor parts

May 10, 2024 People's Tonight 49 views

NAHARANG ng Bureau of Customs (BOC) ang isang shipment ng household items at motor parts kung saan itinago ang shabu na nagkakahalaga ng P56 milyon.

Galing ang shipment sa Thailand at naharang ng BOC sa Manila International Container Port (MICP).

Noong Mayo 6 dumaan ang shipment sa baggage X-ray scanning at dito nakita ang mga dalawang pouch na nakatago sa dalawang kahon kasama ng mga electric fan at water heater.

Nang buksan ay nadiskubre sa loob ang kahina-hinalang bagay na nagpositibong shabu sa isinagawang field testing ng PDEA gamit ang RIGAKU Raman chemical analyzer.

Umabot sa 8.294 kilo ng shabu ang narekober na nagkakahalaga ng P56.399 milyon.

Ang shipment ay isinailalim sa seizure and forfeiture proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng Section 4 ng RA No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinuri naman ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio ang mga tauhan ng BOC-MICP sa kanilang maagap na pagganap sa kanilang tungkulin.

“Your efforts in upholding your duties stand as the core of the success of this operation, effectively showcasing your utmost dedication in safeguarding the health and welfare of the Filipino people from harmful effects of illegal drugs not only to abusive users but the whole society as well,” sabi ni Rubio.

AUTHOR PROFILE