Dingdong

Dingdong hindi nakaligtas sa tsismis, sinagot kung may anak sa isang aktres

May 10, 2024 Eugene E. Asis 70 views

Dingdong1SA kabila ng tagumpay at pagsisikap na alagaan ito, hindi pa rin nakaliligtas si Dingdong Dantes sa mga pamba-bash ng ilang walang magawa sa buhay.

Kaakibat ng bashing ang ilang naglalabasang mga tsismis tungkol sa kanyang nakaraan. Bilang matagumpay at matagal na sa showbiz, nahahalukay ang mga tsismis na hindi masyadong napag-uusapan noon dahil hindi pa nga ganito kalaki ang kanyang pangalan.

At nagsalita na ang Kapuso TV host-actor tungkol sa isyu na dati’y blind item lamang na may anak diumano siya sa aktres na si Lindsay de Vera.

Kaya sa panayam ni Dingdong sa Fast Talk With Boy Abunda noong Huwebes, May 9, 2024, pinabulaanan niya ang tsismis.

Tahasang tanong ng host na si Boy Abunda: “Lumabas na ang balitang ito, nasa social media, ikaw ay may anak kay Lindsay de Vera?”

Tahasan ding sumagot si Dingdong: “Wala po. Hindi po totoo.”

Tuwiran na niya itong sinagot dahil muli na namang kumalat online ang vlogs na naglalaman ng tsismis sa kanila ni Lindsay.

Natanong din siya sa Unang Hirit, ang pang-umagang programa sa GMA7, kung paano niya hina-handle ang ganitong sitwasyon.

At tila tanggap na niyang darating ang mga ganitong pagkakataon.

“Kailangan minsan, may mga ganon din para ma-testing ka rin,” sagot ni Dingdong. “Hanggang saan ka ba, magpapadala ka ba?”

“Ang mahalaga naman ay ikaw alam mo ‘yung totoo, kung ano talaga ang kakayahan mo,” dugtong pa niya.

At tanggap niya ang mga puna lalo na kung ang mga ito ay makatutulong upang itama niya ang mga pagkakamali.

“Pag critical sila dahil gusto nilang gumanda ang performance mo sa susunod, then that’s OK,” paliwanag niya.

Ang mahirap lang, aniya, ay sagad na sa buto ang mga kritisismo at idamay siya sa mga tsismis na malayo sa katotohanan.

AT babalikan na lang niya sa kanyang alaala ang mga panahong isa lamang siyang dancer (Abztract Dancers) sa GMA7 at ikukumpara sa kung ano siya ngayon. Bukod sa pagiging phenomenal box office star, tuluy-tuloy ang mga regular programs niyang ‘Amazing Earth’ at ang kinagigiliwang ‘Family Feud.’

Higit sa lahat, maganda ang pagsasama niya ng misis na si Marian Rivera pati na ng kanilang dalawang anak na sina Zia at Sixto.

AUTHOR PROFILE