Posas

P183K shabu nakuha sa bebot sa QC buy-bust

May 9, 2024 Melnie Ragasa-limena 60 views

ARESTADO ang 47-anyos na ginang matapos makumpiskahan ng P183,600 halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operations sa Quezon City nitong Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Redrico A. Maranan, ang suspek na si Laila Taup, 47, nakatira sa Brgy. Central Diliman, Quezon City, ay naaresto ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pamumuno ni P/Maj. Wennie Ann A. Cale sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ikinasa ang buy-bust operation dakong ika-12:00 ng madaling araw, (May 9) sa kahabaan ng Dahlia St., Agham Road, Brgy. Central Diliman, matapos makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba tungkol sa ilegal na gawain ng suspek.

Nasamsam sa suspek ang 27 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P183,600, coin purse, at ang buy-bust money na ginamit sa transaksyon.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.