Default Thumbnail

Kelot ‘tumalon’ sa flyover, sugatan

November 12, 2023 Melnie Ragasa-limena 810 views

MALUBHANG nasugatan ang isang lalaki matapos na tumalon umano sa flyover sa Barangay Ugong Norte, Quezon City, nitong Sabado ng hapon.

Sa report ng Quezon City Police District Eastwood City-Libis Police Station 12, bandang 5:22 ng hapon ng Nobyembre 11 nang maganap ang insidente sa Ortigas Avenue flyover sa Bgy. Ugong Norte, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, nagulat na lamang ang mga bystander nang makitang tumalon ang lalaki sa Meralco flyover at bumagsak sa Ortigas Avenue flyover.

Agad na dinala ng Metropolitan Manila Development Authority medical team ang biktima sa Mandaluyong City Medical Center para magpagamot, at kalaunan ay inilipat siya sa National Center for Mental Health para sa mental evaluation.