Posas

Kelot na de boga nagwala, nalambat

April 21, 2024 Edd Reyes 42 views

NALAMBAT ng mga pulis ang 22-anyos na lalaki dahil sa pagwawala habang may baril noong Linggo sa Caloocan City.

Walang nagawa si alyas Rey ng Banal St., Brgy. 141 Bagong Barrio nang posasan nina P/SSg Jenifer Lappay at P/SSg Aldrine Simeon ng Caloocan Police Sub-Station-5 na nagresponde sa paghingi ng tulong ng mga barangay tanod.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang humingi ng police assistance ang mga barangay tanod dahil hindi nila malapitan ang suspek na nagwawala habang armado ng baril.

Pagdating ng mga pulis, inabutan nilang nakatayo sa bangketa ang suspek pero nagmatigas kaya ginamitan na siya ng puwersa nina Sgt Lappay at Simeon hanggang tuluyang maposasan.

Nang kapkapan, nakumpisa sa suspek ang nakasukbit na kalibre .357 magnum na may tatlong bala sa chamber.

Haharapin niya ang mga kasong paglabag sa Art. 151 ng Revised Penal Code o ang Disobedience to a Person in Authority at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

AUTHOR PROFILE