Default Thumbnail

11 kabataan sangkot sa rumble hawak na ng parak-QC

April 21, 2024 Melnie Ragasa-limena 96 views

HAWAK na ng mga pulis ang 11 kabataan, kabilang ang walong menor de edad, na inaresto dahil sa rambulan na ikinamatay ng 17-anyos na binatilyo at pagkasugat ng isa pang biktima noong Sabado sa Quezon City.

Isinugod sa Quirino Memorial Medical Center si Mharnel dela Cruz, 17, ng Brgy. Tagumpay, Quezon City pero idineklara dead-on-arrival pagdating sa ospital habang patuloy na ginagamot ang isa pang 16-anyos na biktima.

Dinampot ang mga suspek na sina Roy Andrew Rectin, 19; Shan Calupitan, 18; Francis Gonzales, 18 at walong iba pa na edad 14, 15, 16 at 17.

Sa imbestigasyon ni PCpl. Jojo Antonio ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw sa Aurora Blvd., Brgy. Quirino 3-A, Quezon City.

May kausap na grupo ng kabataan ang mga biktima sa lugar ng lumapit ang grupo ng mga suspek na humantong sa suntukan.

Gamit ang barbecue stick at kutsilyo, sinaksak ng dalawang menor de edad na suspek si dela Cruz sa iba’t-ibang bahagi ng katawan hawang pinagpapalo naman ng silya ang sugatan na nasa ospital pa ngayon.

Dito pinagtulungan ng mga suspek ang ang mga biktima hanggang rumesponde ang ilang tauhan ng barangay at tauhan ng Anonas Police Station.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa madugong insidente.