Jennylyn Mercado

JENNYLYN, BINALIKAN ANG PAGKAPANALO SA ‘STARSTRUCK’

September 26, 2023 Vinia Vivar 249 views

Nagbalik-tanaw ang Kapuso Ultimate Star na si Jennylyn Mercado sa kanyang naging journey noong panahong nagsisimula pa lang siya sa showbiz.

Sa Facebook, ipinakita ng aktres ang video ng kanyang audition sa artista search na StarStruck kung saan siya ang hinirang na Ultimate Female Survivor.

Mapapanood sa video ang pagpapakitang-gilas ni Jennylyn sa pag-arte, pagsayaw at pagkanta at sabi pa niya, “Watch out! I’m gonna be a star!”

Nagkatotoo naman ang kanyang sinabi dahil sumikat siya talaga nang bonggang-bongga.

Ayon kay Jennylyn, next year ay dalawang dekada na siya sa showbiz kaya naisipan niyang ipakita ang panahong nagsisimula pa lang siya.

“1 taon na lang at magce-celebrate na si Bessie ng kanyang 20 years mula ng pagkapanalo sa StarStruck,” caption niya.

Proud naman itong ni-repost ng kanyang mister na si Dennis Trillo.

“Proud ako sa iyo mahal,” sey ni Dennis.

Sa comment section ay tila nabuhay naman ang avid viewers ng kauna-unahang StarStruck at pati sila ay nagbalik-tanaw din ng ilang kaganapan noon na, in fairness, tandang-tanda pa nila.

Sa mga hindi nakakaalam, ka-batch ni Jen sa nasabing artista search si Mark Herras na hinirang na “Male Ultimate Suvivor” and later on ay naging magka-loveteam at magkarelasyon pa sila.

Ang itinanghal namang “First Princess” ay si Yasmien Kurdi at ang “First Prince” ay si Rainier Castillo.

Sa ngayon, pawang may mga sariling pamilya na sila pero nasa showbiz pa rin except for Rainier.

AUTHOR PROFILE