‘It takes a village to raise a child’

March 22, 2022 Allan L. Encarnacion 371 views

Allan EncarnacionANG una kong itinuro sa dalawa kong anak na lalaki ay maging magalang at huwag maging maangas.

Hinulma ko rin sila na huwag maging pabigat sa kanilang mga kasama at lalong huwag maging pabigat sa lipunan.

Ang palagi kong sinasabi, kapag nagawa mong mabuting tao ang dalawa mong anak, nabawasan mo na ng dalawang problema ang bansa mo.

Magandang talakayin ang aspetong ito ng pagpapalaki ng mga bata dahil paulit-ulit tayong nakakabalita na ang mga anak ng maimpluwensiya, mga pulitiko, mga mayayaman at mga who’s who sa lipunan ay nasasangkot sa eskandalo ng pagiging maangas.

Hindi lang minsan naging isyu ang panggugulpi ng anak ni Juan pulitiko o ni Billy Miyunaryo o ni Boy Sikat sa mga karaniwang driver, guwardiya o kahit pa lover nila. Ang dahilan lang ng mga ito ay resulta ng salamin na palaging kaharap ng mga batang ito.

Ang karaniwan kasi, ang nagiging kilos ng magulang ay kusang nakukuha ng mga anak kahit hindi mo pa ito ipamana. Ibig sabihin, you cannot teach what you dont know, you cannot give, what you dont have.”

Kung paano kumikilos ang mga magulang, nagiging salamin ito para sa mga anak. Mula pagkabata, sabi ko kina Bryan at Deivid, huwag maninigarilyo. Edad 21 at 31 years old na sila ngayon, kahit minsan hindi sila nagyosi. Mas madaling magturo kasi hindi ako naninigarilyo.

Sabi ko sa kanila, uminom naman ng beer or alak pero lahat in moderation dahil social drinker lang naman ako. At kailangan din nila sa trabaho ang paminsan-minsang pagtoma. Sa edad nilang yan, isang beses ko lang sila nakitang uminom at mukhang ayaw nang sundan kaya ako na lang ang “lasenggo sa aming bahay na lumalagok ng dalawang beer paminsan-minsan.

Pati sa pagsasalita, maayos manalita ang aking mga anak at marunong makipag-usap. Wala sa kanila ang nagmumura dahil siguro wala namang nagmumura sa loob ng aming tahanan. Bagama’t may nanay silang ipinaglihi sa mikropono na parang nangangampanya kapag nagagalit.

Wala rin sa kanila ang pabigat sa grupo. Iyong tipong kapag wala kang ambag sa inuman at pulutan, aba’y ikaw naman ang maghugas ng pinggan at maglinis ng mga kalat.

Noong bata-bata ang panganay ko at wala pang isip, palaging tatay niya ang ipinagmamalaki kaya kapag nahuhuli sa traffic violation noong unang matutong magmaneho, iba ang tono ng pananalita. Minsan lang naman nangyari iyon at hindi na naulit.

Sabi ko sa kanya, walang binatbat ang tatay mo kaya sarili mo lang ang dalhin mo kahit saan ka magpunta. Maging magalang ka lang sa lahat ng pagkakataon dahil ang mga awtoridad ay marunong tumingin ng maayos na pagkatao kaya yan ang armas mo palagi. Mukhang epektibo naman.

Kaya nga ang malaking problema ng ibang kabataan mula sa maimpluwensiyang pamilya, nakikita nila iyon sa kilos ng nanay at tatay, sa kilos nila ate at kuya. Baka nga pati driver at yaya nila maangas din kaya wala talagang paghuhugutan ng maayos na karakter ang bata.

Kaya kapag lumabas ang anak, ang bumangga giba!

Sabi sa nga sa African proverbs: It takes a village to raise a child. Hindi lalaki mag-isa ang bata na sanggano at barumbado kung hindi ito ang nakikita sa kanyang paligid.

allanpunglo@gmail.com