Default Thumbnail

Isumbong mo kay Tulfo!

July 24, 2022 Allan L. Encarnacion 406 views

Allan EncarnacionISA sa pinakamagandang aksiyon na ginawa ni DSWD Secretary Erwin Tulfo ay ang pagpurga o ang paglilinis sa listahan ng 4Ps beneficiaries.

Mahabang panahon nang nagagatasan ang pamahalaan ng mga taong hindi dapat kasama sa listahan.

Mahigit isang milyon pala ang matatanggal sa master list ng 4Ps kapag talagang naging mabusisi ang pag-aaral sa mga napasama rito. Aminin man o hindi, ang mga nasa barangay ang dapat managot sa kabulastugang nangyari sa magandang programa para sa mga mahihirop.

Bagama’t tutol naman talaga ako sa programang ito dahil pinarami nito ang tamad na kababayan natin, kailangan na rin nating tanggapin dulot ng nangyaring pandemic dahil marami ang naapektuhan.

Totoo naman ang sinasabi ni Sec. Erwin na walisin na dapat ang mga hindi qualified para maipalit sa listahan ang mga totoong mahihirap.

Puwede namang mag-random check ang DSWD sa mga namamalimos sa kalsada kung mga miyembro sila ng 4Ps. Isa pa itong dapat tingnan kung bakit pakalat-kalat pa sila sa mga peligrong highways kung may buwanang sustento naman sila sa gobyerno.

Dapat siguro alisin na rin sa 4Ps ang mga magulang na ginagamit ang mga musmos para mamalimos sa kalye habang sila naman ay nagbibinggo or nagtotong-its lang!

Sa isang banda, hindi naman talaga dapat permanente ang 4Ps. Ang mekanismo dapat nito ay aalisin na sa listahan ang pamilya kapag nagkatrabaho na ang isang miyembro para maibigay naman sa iba ang slot.

Masakit ding isipin na kung nagsimula ang 4Ps sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo nang mapasama ka sa listahan, dumaan na si Noynoy at si Duterte, naroon ka pa rin sa master list! Ang tindi mo naman, 18 years ka nang pensiyunado, hindi ka pa rin nakakahanap ng trabaho! Aba’y batugan ka na lang talaga.

Tinubuan na ng tahid sa kagulangan ang iba kaya tama lang na maisaayos ito ng DSWD.

Sa tingin natin, Sec. Erwin, dapat magkaroon ng limitasyon ang pagsama ng isang mahirap sa 4Ps. Ang maximum ay two to five years lang para mabigyan ng pagkakataon ang ibang mahihirap na kahanay talaga ng poorest of the poor sa bansa.

Bago ko makalimutan, dapat isumbong na rin natin kay Sec. Tulfo ang isa pang sindikatong nangyayari sa 4Ps na pinakikinabangan ng mga usurerong tuso.

May sistemang nakasanla na ang ATM ng 4ps sa isang negosyante nilang kapitbahay or mga kakilala. Halimbawa, ang payout ay katapusan pa ng buwan, unang linggo pa lang ay nakukuha ng advance ng mga 4Ps members pero may kaltas na P200.

Iyong iba naman, kinumbra na ang isang taong 4Ps kaya ang buwanang kumukuha ng kanilang benepisyo ay ibang tao na.

Panahon na para masala ang listahan upang maisama ang mga totoong karapat-dapat natutulungan ng estado.

Sige Sec. Tulfo, ihataw mo ang pagbabago dyan sa milking cow ng ibang mahihirap pero utak sindikato!

[email protected]