Default Thumbnail

Iligtas ang kabundukang Sierra Madre

September 26, 2022 Joey C. Papa 2085 views

JoeyMatindi ang tensyon ng mga kaibigan at kakilala ko at halos mga Pilipinong tatamaan ng bayong Karding ang kanilang mga lugar noong nakaraang Linggo.

Aba’y signal storm number 5 ba naman ang lakas! I80 per kilometer ang lakas ng hangin.

Marami na akong naranasang bagyo at tinitingnan ko agad ang lakas ng hangin dahil isa ‘yon sa panganib na dulot ng isang bagyo.

Umaalulong ang malakas na hangin. Sa harap mismo ng bahay namin dito lang sa Kamaynilaan’ ilang ulit o nang naranasan ang mababagsik na bagyong may malakas na hangin. Ang ihip ng hangin ay nagiging alulong na malakas pa sa alulong ng aso.

Nitong nakaraang gabi ng ng Linggo, inaasahan kong mararanasan na naman namin ang ganoong alulong ng hangin. Napuyat ako sa pagmamasid dahil minsan na kaming tinangayan ng isang bahagi ng bubong ng hindi namin namamalayan. Bagyong Yolanda ito na hindi naman tumama sa kamaynilaan ang lupit nito, ngunit natungkaban pa rin kami ng yero ng bubong.

Nakikiramdam ako habang may napapanood pang mga balita sa telebisyon.

Mahina lang ang ulan. Masasabing malakas lang ng kaunti sa ambon. Di tulad ng mga nakaraang ulang- habagat na nagdudulot din ng matataas na pagbaha at landslide sa ilang lugar. Ngunit may kalakasan ang hangin. Humina ang bagyong Karding nang malapit nang maghatinggabi.

Hinarang ng kabundukang Sierra Madre ang malakas na hangin at ulan mula sa dagat-pasipiko. ‘Ika nga’y binasag ng bundok Sierra Madre ang lupit ng bagyong Karding.

Napakahalaga ng Sierra Madre sa ating buhay ngunit hindi ito binibigyang halaga ng ilan sa mga kababayan nating Pilipino.

Hanggang sa ngayon ay patuloy na pinuputol ang mga puno sa kagubatan nito at binabasag ang kabundukan upang makuha ang mga yamang-mineral nito na tanging mga dayuhan lamang ang mga nakikinabang.

Matagal ko nang sinasabi ito sa aming mga ibinibigay na oryentasyon sa mga komunidad. Mahalin ang ating kabundukan at buhay natin ito. Hindi ito dapat nilalapastangan.

Marami nang delubyong dulot ang global warming at climate change. Isa na rito ang malalakas na bagyo at malalawak at matataas na tubig -bahang dulot ng matatagal na pag-ulan.

Ang ginawang pagbasag ng Sierra Madre sa bagyong Karding ay hindi lamang nangyari nitong nakaraang Linggo. Sa tuwing may bagyong galing sa Dagat Pasipiko, hinaharang ito ng kabundukang Sierra Madre.

Ang mga puno naman ng kagubatang Sierra Madre ang sumisipsip ng tubig-ulan at iniimbak sa mga ugat ng puno na nakatutulong sa maraming komunidad bilang tubig inumin at lahat ng pangangailangan ng tao sa tubig. Watershed ang tawag dito.

Ngunit kung patuloy na wawasakin ng ilang mga tao ang kagubatang Sierra Madre, ano ang magiging panangga, kalasag natin sa malalakas na bagyo?

Mapanganib ito lalo na at marami nang puno ang pinutol sa maraming bahagi ng Sierra Madre.

Kaya napapanahon ang usapin sa Masungi Georeserve sa Baras Rizal na kung saan ay may mga nakapagtayo na nga ng istruktura na ginagamit sa quarrying.

May ilan pa ring nagtatangka na agawin ang Masungi sa mga tagapangalaga nito at sinasabing kanila at may titulo sila ng kabundukang ito.

Ang Masungi ay artery ng Sierra Madre. Ang lahat ng bahagi ng Inang Kalikasan tulad ng Inang Kabundukang Sierra Madre ay magkakaugnay. Sirain mo ang isa at maaapektuhan na ang kabuuan.

Iligtas natin ang Sierra Madre!

AUTHOR PROFILE