“Canna-Binoy Bill” sa Punto ng Medical Cannabis Advocates
SIYAM na taon. Ganito pong kahabang panahon na ang tinagal sa nagdaang mga Kongreso ng panukalang batas para sa compassionate use ng medical cannabis. Sa halos isang dekada, hindi umusad ang adbokasiyang ito dahil walang nagsulong nito sa Senado. Nabinbin ang usapin sa Mababang Kapulungan at kasabay nito, nawalan rin ng boses ang makabuluhang diskurso ukol sa tunay na layon ng panukalang batas.
Ang ating mithiin bilang kauna-unahang Senador na nagsusog nito sa Mataas na Kapulungan ay bigyan ng boses ang lehitimong hinaing ng mga pasyente at pamilyang nangangailangan ng access ng medical cannabis. Bibigyang diin natin na walang batayan ang ‘stigma’ sa masamang dulot ng cannabis dahil ang isinusulong po natin ay medikal na gamit lamang — hindi recreational o libangan. Ito po ang layunin ng Senate Bill 230 o kung tawagin ng ating mga kakampi sa pagsusulong ng medical cannabis ay “Canna-Binoy Bill”.
Ang tinitiyak ko sa ating mga kababayan: ang panukalang batas na ating isinusulong ay pinag-aaralan at may tuloy-tuloy na konsultasyon sa komunidad. Sa punto pong ito ay hayaan ninyong ating bigyang tinig ang kapwa natin tagapasulong ng compassionate use ng medical cannabis.
Si Dr. Donnabel Cunanan, tagapagsalita ng Philippine Cannabis Compassion Society ay isa sa ating mga nakonsulta ukol sa ating adbokasiya. Malalim at personal po ang pagtanaw niya sa pagnanais na magkaroon ng access sa medical cannabis. Araw-araw niyang pinagdaraanan ang hirap ng anak na si Julia na na-diagnose na may Dravet Syndrome sanggol pa lamang. Animnapung beses po kada araw kung umatake ang intractable epilepsy ni Julia at wala sa anim na anti-epileptic drugs na kanilang nasubukan ang kayang kumontrol sa seizures.
Marami ring side effects ang mga gamot na ito; mula allergies hanggang pancreatitis ay dinanas na ni Julia.
Masigasig si Dr. Cunanan sa kanyang aplikasyon para sa Compassionate Special Permit para maka-access ng cannabis-based medication para sa anak ngunit sa kasamaang palad, hindi natanggap ang kanyang aplikasyon. Bukod pa sa mahirap na proseso ang pasakit na $32,000 o higit sa P1.7 milyon kada taon ang dapat bunuin ng pamilya para sa imported na gamot na inaprubahan ng FDA.
Malinaw rin na may batayan ang ating panukala na isa-legal ang medical cannabis kung siyensya at pharmacology rin ang pag-uusapan. Pinatotohanan ito ni Dr. Gem Marq Mutia, ang Founder ng Philippine Society of Cannabinoid Medicine. Aniya, base sa higit sa 29,000 na pag-aaral ukol sa dito, lehitimong gamot ang cannabis at may mga patunay na mas mura, epektibo at ligtas ito sa mga tradisyunal na gamot.
Ganito rin ang punto ni Mr. Chuck Manansala, Tagapangulo ng MASIKHAY Research, isang medical cannabis research center sa bansa. Aniya, napakaimportante ng panukala dahil sa unang pagkakataon, mapaguusapan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang layunin ng legalisasyon ng medical cannabis. Mahalaga ang gampanin nito para mas maisulong ang mga pagsasaliksik na itinataguyod na ng lumalaking grupo ng researchers, medical practitioners at scientists para sa medical cannabis.
Binigyang punto ng ating mga advocates na panahon na para isulong ang ganitong batas sa ating bansa. Mahalagang iwaksi ang stigma at malinaw na ihiwalay ang recreational at medical use ng cannabis. Tiwala sila na sa ilalim ng Canna-Binoy Bill, may mahigpit na pamamahala ang gobyerno — mula sa pagpapaigting ng seguridad sa mga mag-aabuso dito hanggang sa mas abot-kayang access para sa mga kwalipikadong pasyente.
Tulad nila, asahan ninyong bubuhusan natin ng pansin at aksyon ang pagsusulong ng medical cannabis upang magbigay lunas sa ating mga nangangailangan na kababayan. Ni Robin Padilla