Default Thumbnail

Huwag ninyong subukan ang katapatan ni Gen. Eleazar

June 13, 2021 Vic Reyes 380 views

Vic ReyesDAHIL papalapit na ang 2022 elections, inaasahang nagkakandarapa na naman ang mga kandidato para makalikom ng campaign fund.

Dati, ang aduana ang isa sa pangunahing source ng campaign fund ng ilang politiko.

Noon, ang mga taga-aduana na rekomendado ng mga politiko ang siyang problemado tuwing may eleksyon.

Kailangan nilang tulungan ang kanilang mga “ninong” para may magamit na pera sa pangangampanya.

Pero ngayon, nag-iba na ang sitwasyon sa aduana.

Wala ka ng naririnig na bata ‘yan ni “congressman,” “mayor” o “gobernador.

At hindi papayagan ni BoC Chief Jagger Guerrero na magkaroon ng “fund raising campaign” ng mga politiko sa aduana.

Isa pang pinanggagalingan ng campaign fund ng mga politiko noon ay ang mga iligal na sugal, lalo na ang jueteng, ang popular na illegal numbers game sa bansa.

Pero naniniwala tayo na hindi makakaporma ang mga jueteng lord ngayon.

Alam nila na galit si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa jueteng at iba pang iligal na sugal.

Huwag ng subukan ng mga iligalista ang katapatan ni Gen. Eleazar sa serbisyo.

May kalalagyan kayo at mga kasabwat niyo sa gobyerno.

Hindi papayag si Eleazar na dungisan ninyo ang maganda niyang rekord sa gobyerno.

Lalo na’t hanggang Nobyembre lang ang kanyang pananatili sa police service.

Tama ba kasamang, Alfred Dalizon?

***

Kailangang maibalik na ang face-to-face classes sa mga pribado at pampublikong paaralan.

Aminin man natin o hindi, hindi nakatutulong sa pagpapaganda ng kalidad ng edukasyon ang blended system ng pagtuturo.

Kadalasan ay mga magulang ang gumagawa ng mga dapat gawin ng mga bata.

Ang masakit pa, dagdag gastos ito sa mga magulang na hindi man lang nakatapos ng elementarya.

Napipilitan silang magbayad sa mga kapitbahay para lang sagutin ang mga tanong sa mga module.

Paano nga naman kung ang isang magulang, tatay at nanay ay illiterate?

Ang kailangan lang siguro ay siguruhing masusunod ang mga health protocol sa mga paaralan.

At ibalik na rin ang mga dating pamasahe sa mga jeep, bus at tricycle.

Kung hindi ay baka wala ring makapasok ng mga paaralan, dahil sa taas ng pamasaheng sinisingil ng mga drayber.

***

Tatlo na namang mamahaling kotse ang nasakote ng mga taga-Bureau of Customs (BoC).

Mabuti na lang laging alerto ang mga tauhan ng MICP District Collector Romeo Allan Rosqueta Rosales.

Kung hindi ay baka nakalusot sa aduana ang tatlong sasakyan.

Ang mga sasakyan – isang bagong Land Cruiser, isang 2016 Nissan GTR at isang 2020 Chevrolet Camaro – ay nagkakahalaga ng P16 milyon.

Nabisto ang tangkang ismagling nang idaan sa 100 percent examination ang shipment na naka-consigned sa Ad Finest Marketing Corp.

Meron ng Warrant of Seizure and Detention (WSD)laban sa kargamento.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text #0921-4765439/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE