Quiboloy Pastor Apollo C. Quiboloy

Happy days ni PACQ bilang na

April 3, 2024 PS Jun M. Sarmiento 101 views

BILANG na ang masasayang araw ni Apollo Quiboloy.”

Ito ang mariing pahayag ni Senator Risa Hontiveros at sinabing dapat manaig ang hustisya laban sa mga kabuktutan ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder at lider na si Apollo Carreon Quiboloy, kaugnay ng mga diumano’y pagmamalabis na ginawa nito sa kanyang mga biktima.

Sa isang pormal na pahayag, pinuri ni Hontiveros ang inilabas ng Davao court laban kay Quiboloy at sinabing anuman ang mangyari at gaano man katagal ang pagaantay ay mananaig pa rin ang katotohanan gayundin ang hustisya na dapat igawad sa mga naaapi.

“Halos lahat na ng institusyon sa Pilipinas ay gumagalaw para mapanagot siya,” ani Hontiveros.

Nauna rito, nagpahayag ng pasasalamat at kumpiyansa si Hontiveros sa Philippine National Police (PNP) sa Southern Mindanao sa pahayag nitong aalalayan nito ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Quiboloy.

Ang arrrest warrant ay bunsod ng patuloy na pagtanggi ni Quiboloy na sumunod sa kautusan upang humarap sa ginaganap na imbestigasyon ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na pinamumunuan ni Hontiveros, upang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya sa isyu ng sex offenses, human trafficking at exploitation.

Gayundin, sinabi ni Hontiveros na naniniwala pa rin siya sa ginawang pahayag ng PNP sa Davao na makikipagtulungan sila sa agarang pagdakip kay Quiboloy.

“Tiwala ako na matutupad ito at mahuhuli si Quiboloy. Once he is arrested, the Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality will expect his appearance in our next hearing,” ani Hontiveros.

Inilabas ng Davao Regional Trial Court ang warrant of arrest laban kay Quiboloy kaugnay ng kasong sexual abuse.

Maliban kay Quiboloy, isinama rin ng korte sa pagpapaaresto ang mga KOJC lider nito na sina Jackiely Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada at Sylvia Camanes.

Pinayuhan ni Hontiveros si Quiboloy na sundin ang utos ng korte lalo’t siya mismo ang nagpahayag na sa korte lamang siya susunod. Ngayon aniya ang tamang oras para ipakitang gagawin niya ang mga naunang pahayag na susunod siya basta korte ang nagutos, anang senadora.

“Pinapanawagan ko din kay Quiboloy na huwag nang mag-inarte. Ang dami na niyang ginawa para takbuhan ang obligasyon niya sa batas. He should just cooperate and properly answer the accusations hurled against him. Kung walang kasalanan, hindi kailangang magtago,” giit ni Hontiveros.

Hinimok ni Hontiveros ang mga testigo laban kay Quiboloy na dapat silang manindigan hanggang sa kasalukuyan, kahit patuloy na binu-bully at nakatatanggap ng pagbabanta ang mga ito mula sa mga dating kasama sa KOJC.

“Muling higit na pasasalamat sa mga biktima ni Quiboloy na buong tapang na lumalaban. Papasaan pa at ang katarungan ay makakamit din,” giit ni Hontiveros.