Hontiveros

Gentleman’s agreement pagtataksil sa bayan — Risa

April 3, 2024 PS Jun M. Sarmiento 102 views

ISANG pagtataksil sa bayan.”

Ito ang mariing inihayag ni Senadora Risa Hontiveros na naghain ng isang resolusyon upang imbestigahan ang diumano’y “gentleman’s agreement” na nangyari sa pagitan ng dating administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng gobyerno ng China, sa pamamagitan ng Pangulo nitong si Xi Jinping.

Napagkasunduan diumano na hindi papayagan ang pag-ayos at anumang gagawing rehabilitasyon sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.

Ayon pa kay Hontiveros, sakaling totoo na pumasok nga si Duterte sa ganitong kasunduan, maituturing aniyang pagbibigay ito ng karapatan sa Tsina upang atakihin ang sinomang magdadala ng mga kagamitan upang maayos ang kondisyon ng nabubulok na barko na nakapalaot doon.

“This ‘gentleman’s agreement’ is treasonous. While China, in any case, will most likely attack our resupply missions en route to Ayungin, this sham of an agreement only gave Beijing more ammunition to assert her baseless claims. Kung totoo ang kasunduan, mukhang isinuko nga ni Duterte ang teritoryo ng Pilipinas,” ani Hontiveros.

Sa kanyang inihain na Senate Resolution No. 982, iginiit ni Hontiveros na dapat lamang alamin kung totoong may ganitong nangyaring kasunduan sapagkat ito’y nangangahulugang pagsuko ng soberanya at hindi aniya ito dapat maging katanggap-tanggap.

“If it is confirmed to be true, it would be tantamount to a surrender of Philippine sovereignty and, in the words of former Philippine Navy flag officer-in-command Eduardo Santos, ‘an act of treason’,” ani Hontiveros.

Sa nasabing resolusyon ni Hontiveros, nakasaad din na mismong ang National Security Council, sa pamamagitan ni Assistant Director General Jonathan Malaya, ang nagsabing hindi nila alam ang ganitong uri ng kasunduan at nais din nilang pagpaliwanagin si Atty. Harry Roque tungkol sa mga sinasabi nito at ang mga detalye ng kasunduan, gayundin ng implikasyon nito sa national security.

“Pati pambansang seguridad natin nalagay sa pahamak dahil sa walang-dangal na ‘gentleman’s agreement’ na ‘yan. China is already all around us – sa telecoms, sa national grid, sa karagatan – at mas lalo lang pinalakas ni Duterte ang Tsina sa kasunduang di umanong pinasukan niya,” ani Hontiveros.

Base sa mga naunang pahayag ni Roque na siyang dating presidential spokesperson ng dating Pangulong Duterte, inilahad niya ang “gentleman’s agreement” ni Duterte kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina.

Ayon sa kasunduan, tanging pagkain, inumin at mga munting pangangailangan lamang ang papayagan ng Tsina sa mga nakatalagang Filipino troops sa BRP Sierra Madre at Ayungin Shoal.

Ang anumang pagsasaayos at pagkukumpuni sa lumang barko ng Pilipinas na nakalutang doon ay hindi bibigyan diumano ng anumang pahintulot ng Tsina.

Ayon kay Hontiveros, hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng kasunduan. Ang pagmamahal aniya sa bayan ay pagtayo sa karapatan ng mga Pilipino at paglaban kung anumang mayroon ito para sa soberanya.

Ito, ayon kay Hontiveros, ay pasasalamat sa maraming Pilipino sa mga nagdaang panahon na nagbuwis ng buhay para sa bansa at sa tinatamasang buhay sa kasalukuyan.

“It is our duty to fortify the BRP Sierra Madre. Without it on Ayungin, we effectively give way for China to illegally occupy what is ours. If we stop reinforcing the Sierra Madre, we not only lose a crucial, strategic outpost, but also fail to defend our sovereignty,” giit ni Hontiveros.

Ipinaliwanag din ni Hontiveros na sakaling totoo ang pinasok na ito ni Duterte, ito ay tahasang pagsuko ng karapatan at soberanya sa mananakop na China.

Samantala, sa isang panayam sa politiskoop, itinanggi naman ni Atty. Salvador Panelo, na siyang dating chief presidential legal counsel ni Duterte, ang mga inilahad ni Roque.

Sinabi nito na mismong si dating Pangulong Duterte ang nagsabing wala siyang alam sa “gentleman’s agreement.”