Default Thumbnail

Good job, Gen. Val de Leon

August 31, 2021 Marlon Purification 473 views

Marlon PurificationSA gitna ng COVID-19 pandemic, hindi nagpapahinga ang mga masaamang loob at sinasamantala pa ang kagipitan ng marami sa pamamagitan ng mga iligal na aktibidad tulad ng human trafficking.

Sa kabutihang palad, hindi rin naman tumitigil ang Philippine National Police (PNP) partikular ang Police Regional Office 3 (PRO3) sa pangunguna ni Regional Director Brig. Gen. Valeriano de Leon sa paghabol sa mga kriminal.

Pinatunayan ito ng pagkakaligtas ng mga pulis sa 35 indibidwal na nabiktima ng human trafficking group kasabay ng pag-aresto sa apat na suspek sa magkakahiwalay na entrapment at rescue operations sa Nueva Ecija.

Sa report ni Police Col. Rhoderick Campo, officer-in-charge Provincial Director ng Nueva Ecija Police, sinabi na isinagawa ang entrapment at rescue operation sa Lucky Jhey Resort sa Purok 2, Brgy. Bakero, Cabanatuan City at nailigtas ang 22 lalaking biktima.

Nasakote rin rito ang suspek na sina Ronalyn PASCUA, alyas “Jhazz”; at Mark Victor Tiquia, alyas “Mica”, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sa follow-up entrapment at rescue operation na isinagawa sa Manson Lodge located sa San Juan ACCFA, Cabanatuan City, naaresto sina Danny Boy Pascual Flores, alyas Ashley, at residente Cabanatuan City, Nueva Ecija habang pito pa ang nailigtas.

Kasunod nito, nailigtas din ang anim na indibidwal sa entrapment at rescue operation sa Odaiba Lodging House sa Gen. Tinio, H. Concepcion, Cabanatuan City, Nueva Ecija at nasakote si Jezzah Marijo Quejada Ferrer, alyas Irish, residente ng Narra 1, Vitas, Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sa kabuuan, 35 indibidwal ang nailigtas at agad isinailalim sa physical examinations.

Inihahanda naman ang mga kasong paglabag sa RA 9208 on Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at RA 7610 o Child Abuse Law.

“The rescue operation conducted by joint forces of different police units strongly sends a message that the PNP sternly implements its focused police operations to curb all forms of criminality within the four corners of the country,” diin ni Gen. de Leon.

Tunay na walang pinipiling panahon ang mga kriminal at mga may iligal na intensyon kaya naman ang ating kapulisan ay sa lahat ng oras na sugpuin ang mga ganitong uri ng gawain.

Ang mga magigiting nating pulis sa Region 3 sa ilalim ng liderato ni General de Leon ay tunay na nagmamalasakit sa ating kapwa at tinitiyak ang proteksyon sa ating mga kababayan na patuloy na nahihirapan sa gitna ng dinaranas na krisis ng ating bayan.

Umaasa tayo na marami pang tulad ni de Leon at ng kanyang mga tauhan na patuloy sa pagpapairal ng batas upang makamit ang kapayapaan sa ating bansa.

Good job, Gen. Val de Leon. Good job Police Regional Office 3!