Default Thumbnail

Maging Merry kaya ang Pasko?

August 31, 2021 Paul M. Gutierrez 444 views

PaulNGAYONG araw magsisimula ang Christmas season sa ating bansa. Dahil syempre, Setyembre na o simula ng ‘-ber’ months. Ibig sabihin, magpa-Pasko na.

Pero ang tanong ngayon ng marami, magiging ‘merry’ kaya ang Pasko ng mga Pilipino?

Dahil mga kababayan, halos araw-araw ay may panibagong record high ang Pilipinas sa pagtaas ng bilang ng nagpo-positibo sa COVID-19 na umabot nitong nakaraang araw ng mahigit 22,000 – pinakamataas simula noong magsimula ang pandemya.

Ang nakakapanlumo pa rito ay nagdaan pa tayo muli sa enhanced community quarantine (ECQ) nitong Agosto. Subalit talagang matindi ang pagkalat ng Delta variant sa ating bansa. Kung ganito ang mangyayari sa mga susunod na araw, hindi kaya maitulak muli ang gobyerno para sa panibagong ECQ ngayong Setyembre? O Oktubre?

Kung magkakaganoon, makakabawi pa ba ang ating ekonomiya?

Hangga’t naririto pa tayo sa pandemya, mananatiling hirap ang ating ekonomiya. Harapin na natin na hindi nagiging madali sa lahat ang pagharap sa pandemya at hindi kasiguraduhan na magiging masaya ang Pasko muli ng marami nating kababayan. Pero sa mahigit isang taon natin sa pandemya, marami na rin tayong naging karanasan sa pagharap sa pandemyang ito.

Lahat naman tayo ay laging umaasa na maging masagana ang ating Pasko at Bagong Taon kahit na may pandemya. At dahil sa paparating na election season, karaniwang nakakabawi ang ating ekonomiya.

Pero kung nais talaga nating magkaroon ng kasiguraduhan para makabangon ay ang bakuna pa rin ang katiyakan para mapabilis ang ating pagbabalik sa normal. Nakakalungkot lamang na talagang mayroon pa rin diskriminasyon pagdating sa pagbabakuna.

Gaya halimbawa nang magkaroon ng vaccination drive ang National Press Club sa tulong ng Manila Health Department, umatras ang ibang mga nagpalista nang malaman nilang Sinovac ang ituturok sa kanila.

Ang ganitong pangyayari ay talagang nakakalungkot.

Bagamat karapatan naman ng bawat isa na tumanggi pero ito ay isa sa mga dahilan kung bakit tayo tumatagal sa pandemyang ito. Noong wala tayong bakuna, hinahanap natin ito sa gobyerno. Nang nandyan naman, pipiliin natin kung ano ang wala.

Sa ngayon na iba’t ibang variants ang lumalabas at patuloy na kumakalat, maraming bakuna ang naririyan para magbigay ng proteksyon. Sabi nga din ng mga eksperto ay ang lahat ng bakuna ay may laban para proteksyunan ang ating sarili.

Sa kasalukuyan, mahirap na ang ating sitwasyon, huwag na nating mas pahirapan pa. Lalo na’t sa paglaban sa pandemya, lahat tayo ay may papel na ginagampanan para maproteksiyunan ang isa’t isa lalo na ang mga mahal natin sa buhay.

Mas madaling maging kampante na makahalubilo natin ang ating mga pamilya sa darating na Pasko kung tayo ay bakunado. Dahil merry lagi ang Pasko basta kasama ang pamilya mo.

AUTHOR PROFILE