Maricel Source: Senate of the Philippines

Maricel: Wala akong alam dyan

May 7, 2024 PS Jun M. Sarmiento 76 views

BAGAMA’T may karamdaman ay hindi nagpaawat ang multi-awarded actress na si Maricel Soriano sa pagharap sa Senado ng Martes upang tumestigo at sagutin ang mga tanong ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa isyung nagdarawit sa kanya at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umano’y drug list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Inamin ni Soriano na sadyang may karamdaman siya pero minabuti niyang humarap sa pagdinig at handa umano siyang sagutin ang anumang katanungan upang magbigay linaw sa mga ibinabatong akusasyon laban sa kanyang pagkatao.

Nang tanungin ni Dela Rosa si Soriano kung bakit nahihila ang kanyang pangalan sa isyung ito, sinabi ni Soriano na lubha niya rin itong ikinagulat kung bakit siya iniimbita sa nasabing pagdinig.

“Unang una po, wala po akong alam diyan sa mga dokumentong ‘yan. Hindi rin po kasi ako nagbabasa niyan. Wala po akong alam bakit ako naimbitahan dito,” sagot niya.

Inamin din niya na siya ang may-ari ng isang unit sa Rizal Tower Bldg. sa Rockwell, Poblacion, Makati City, na binanggit ni dating PDEA intelligence officer Jonathan Morales ngunit matagal na niyang naibenta ito, noon pang 2012 — ang taon na binanggit din ni Morales kung kailan nakuha ang impormasyon na tumutukoy sa kanya.

“Opo, ako nagmamay-ari. Pero binenta ko na po ito ng year 2012. Hindi ako sigurado sa month,” ani Soriano na nagsabing handa siyang ibigay sa komite ni Dela Rosa ang deed of sale bilang katibayan sa kanyang testimonya.

Tinanong din siya ni Dela Rosa kung gaano katotoo na diumano’y binugbog niya ang dalawang kasambahay dahil sa kanyang paggamit ng cocaine na mariin naman pinabulaanan ni Soriano.

“Hindi naman po totoo ‘yan. Umalis po sila kasi ninakawan nila ako. At papaano ko sila bubugbugin eh dalawa po sila?” ang tuwid na sagot ni Soriano, na kilala sa showbiz bilang mataray na aktres at derecho sa kanyang mga pananalita.

Sinabi niyang pinili niyang humarap sa Senado dahil gusto niyang linisin ang agam-agam sa kanya dulot ng isyu, bagama’t may mga nagbigay sa kanya ng babala na ang mga papeles na pinipresinta ni Morales sa komite ay hindi verified.

“Paumanhin po. Hindi naman po ako sanay na humarap sa ganitong mga imbestigasyon. Nakakakaba at nakakatakot. Hindi ako sanay mag-attend ng ganitong mga hearing. Hindi ko rin talaga alam bakit ako inimbita dito. Maraming nagsabi sa atin na sa totoo lang po ay hindi verified mga impormasyon ni Morales. Pero narito po ako. Nakikiusap lamang po ako na kapag legal question na ay pasasagutin ko ang aking abogado na si Atty. Agnes Maranan,” ani Soriano sa kanyang opening statement, kung saan ay pormal din siyang nanumpa sa simula ng pagdinig.

Si Soriano ay nagsabing mas minabuti niyang humarap kahit may karamdaman siya sa kasalukuyan upang makita niya ng harap harapan ang nagaakusa sa kanya.

Para naman kay Senador Jose “Jinggoy” Estrada, inilarawan niya si Morales bilang isang maruming uri at kaduda-dudang testigo o polluted source.

Sinabi niyang hindi kapani-paniwala ang mga paglalahad ni Morales pati na rin ang pagkatao nito na kanyang kinuwestiyon bunga ng napakaraming kaso na nakasampa laban dito.

“It is the call of Senator Dela Rosa if he still wants to pursue the investigation,” ani Estrada.

Para kay Estrada, puwedeng kasuhan ang mga gumagamit ng Senado at nagsisinungaling sa mga testimonya, kung mapapatunayang gawa-gawa lamang ang mga pinaglalahad sa gitna ng imbestigasyon.

“May batas po tayo diyan. Resources po ng gobyerno ang ginagamit,” ani Estrada at sinabing nagdududa siya sa karakter ni Morales dahil sa mga hindi kapani-paniwalang paglalahad nito.

“As far as I am concerned, the President is not included in the drug lists, even Maricel Soriano. Hindi porket kaalyado ko si Presidente, at hindi porket kasama ko sa showbiz si Maricel Soriano. In fairness kay Sen. Bato, wala naman siyang pinapanigan. Makikita naman na fair and square naman ang imbestigasyon. Pero wala namang makapagpapatunay na sangkot talaga ang Pangulo at si Maricel,” paliwanag ni Estrada, kung saan ay minaliit niya ang karakter ni Morales matapos sabihin nitong hindi niya maalala ang pagkatao ng kanyang informant.

Sa gitna ng pagdinig, sinabi ni Morales na hindi niya maalala ng husto kung sino ang kanyang informant na nagbigay sa kanya ng mga nasabing dokumento mula sa PDEA.

“I could no longer recall po your honor,” sagot ni Morales kay Estrada.

Si Estrada, na ramdam ang pagkainsulto sa nasabing sagot, ay nagpaalala kay Morales na ang ganitong kabigat na akusasyon ay hindi maaaring ganyan lamang ang ibigay na tugon lalo aniya at sensitibo ang ganitong mga bagay.

“Binanggit mo pangalan ultimo ng Presidente pati pangalan ng sikat na artista tapos wala ka pang ebidensiya? Matapos mong sabihin na galing ito sa informant ngayon sasabihin mo na hindi mo na matandaan?” ani Estrada.

Sinabi naman ni Morales na pilit niyang aalalahanin at rerepasuhin ulit ang mga dokumento para manumbalik sa kanya ang pagkatao ng nasabing informant. Hindi rin niya pinaunlakan ang executive session kung saan inamin niyang hindi niya ito mapagbibigyan.

Matatandaan na noong pagdinig ng Abril 30, mismong si PDEA Director General Moro Virgilio Lazo ay kategoryang sinabi na ang mga ipinakita at isinumiteng dokumento ni Morales ay puro peke, na sinabayan din ng mga testigo na nagsabing puro kasinungaling ang mga inilahad nito.