Press USAPIN NG RTL – Sinasagot ni Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Miguel Almario (kanan) ang mga tanong ng mga mamamahayag sa press conference na ginanap Martes ng umaga sa Media Center ng Kamara de Representantes. Naroon din sina (mula kaliwa) Zambalez 1st District Rep. Jefferson Khonghun, Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores, Surigao Del Norte 1st District Rep. Francisco Jose “Bingo” Matugas, Deputy Majority Leader at PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles, at 1 Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez. Photo ni VER NOVENO

ANO SOLUSYON N’YO?

May 7, 2024 People's Tonight 105 views

Tanong sa mga senador na pumapalag sa RTL amyenda:

NANAWAGAN ang mga miyembro ng Kamara de Representantes sa mga senador na tutol sa pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na magbigay ng solusyon sa mataas na presyo ng bilihin, partikular ang bigas.

Ginawa ng ilang kongresista ang pahayag matapos na magdesisyon ang House committee on agriculture and food na aprubahan ang panukalang amyenda sa RTL upang makapagbenta ng murang bigas ang National Food Authority (NFA).

Ilang senador ang nagpahayag ng pagtutol sa panukalang inaprubahan ng Kamara.

“They (senators) can oppose, of course they’re entitled to that. Pero kung mag-o-oppose sila kung anoman bigyan nilang dahilan, sana dahil nga naghihirap mga taong-bayan ngayon magbigay sila ng solusyon, hindi naman p’wedeng puro na lang kayong opposition… ano ang solusyon niyo dito,” ani PBA Party-list Rep. Margarita Nograles sa isang press conference sa Kamara de Representantes.

“At least dito sa Kamara, under the leadership of Speaker Martin Romualdez, we are proposing solutions to the immediate problems both short-term and long-term. So, if you are going to oppose it, I hope the good senators will propose solutions also that’s sana better than what we are trying to propose here,” saad pa ni Nograles.

Dagdag pa ni Nograles, “Eto na naman po ginagawa natin eh, we are addressing, and we are answering to the need of the Filipino people, and this is under the direction of our administration too.”

Nais namang malaman ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, chairman ng House committee on government reorganization, ang dahilan ng mga senador sa hindi pangsang-ayon sa panukalang reporma ng RTL.

“Kasi on the part of the House, the leadership of Speaker Martin Romualdez is consistently looking for ways para bumaba ‘yung presyo ng bigas and this is one of the ways na nakita ng House,” ayon kay Flores.

“So, we’re moving in that direction — to look for ways nga and we thought that this would be the best to do that. So, if the Senate opposes it or some senators oppose, we would also like to know why there is an opposition to these moves,” giit pa ng mambabatas.

Sa bahagi naman ni Zambales Rep. Jay Khonghun, pinuno ng House committee on bases conversion, sinabi nitong walang perpektong batas at walang sinomang mambabatas na maaaring magsabi na siya ay hindi nagkakamali.

Ipinaliwanag ni Khonghun na nais ng Kamara na baguhin ang RTL upang maging angkop ito sa pangangailangan ng bansa na mapababa ang presyo ng bigas, ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

“So, sana ano tignan din, bigyan ng tyansa ‘yung itong pag-a-amyenda sa Rice Tariffication Law at huwag sana nilang isarado ‘yung kanilang isipan dahil katulad nga ng sinabi natin, sa opinyon ko wala namang perpektong batas at mas lalo ng hindi perpekto ‘yung mga taong gumawa ng batas na ito,” ayon pa kay Khonghun.

Sa hiwalay na panayam, nanawagan naman si Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo sa mga kasamahan sa Senado na unahin ang kapakanan ng taong-bayan.

“Isantabi ho muna natin ‘yung mga business interest, personal interest natin. Unahin po muna natin ‘yung interest ng mga tao, ng nakakarami ho sa atin. Otherwise, wala ho mangyayari. Kaya tayo napupulaan ng taumbayan. Puro tayo porma. Puro tayo kuwento. Why don’t we just do our work? Let us unite. Para sa isang mission, ang mission natin, everybody can buy rice,” ayon kay Tulfo.

AUTHOR PROFILE