DSWD

P600 milyong standby fund inilaan para sa mga apektado ng bagyong Aghon

May 28, 2024 Chona Yu 94 views

AABOT sa P600 million na standby fund ang inilaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga residente ng apektado ng bagyong Aghon.

Sa departure speech ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bago tumulak patungong Brunie para sa dalawang araw na state visit, sinabi nito na nakapagbigay na ang DSWD ng P1.35 milyon sa mga calamity survivors

“Kaya’t tuluyan kong inatasan ang DSWD, ang DA (Department of Agriculture), DOH (Department of Health), para makapagbigay ng assistance sa lahat ng mga naging biktima ng Typhoon Aghon,” pahayag ni Pangulong Marcos..

“Kaya naman ang DPWH (Department of Public Works and Highways) at saka ang DOTr (Department of Transportation) ay kailangan susunod na diyan sa first responder para maayos na kaagad ang mga nasira na infrastructure,” dagdag ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, may nakahanda na 841 search and rescue retrieval teams mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP).

Mayroon din aniyang 465 transportation assets at 436 emergency telecommunications equipment na gagamitin sa relief efforts.

Tiniyak ng Pangulo na tumutugon ang lahat ng tanggapan ng gobyerno sa mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyo.

Kabilang sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo ang Regions IV, V, VI, VII, at VIII.

Nasa 12,043 na pamilya ang nangangailangan ng tulong.

Ayon sa Pangulo, tatlong airports at 29 seaports ang nasira at hindi operational.

Anim na siyudad at munisipalidad ang nakararanas ng walang suplay ng kuryente. Labing tatlong flooding incidents at tatlong landslides ang naitala.

“Lagi diyan ang ating mga LGU kaya’t as usual, they have brought all their energies together at the very first instance at nasabayan naman, nasundan kaagad ng national government sa pamamagitan ng pagbigay ng assistance, search and rescue na ginawa,” pahayag ni Pangulong Marcos.

AUTHOR PROFILE