Joet Garcia

E-jeepney gugulong na sa Bataan

December 8, 2023 Christian D. Supnad 229 views

BATAAN – Gagamit na ng electric jeepney o e-jeepney na pampasada sa Bataan sa lalong madaling panahon, ayon sa gobernador ng lalawigan.

Bunga ang naturang proyekto ng kasunduan ng mga jeepney drivers’ association at ng pribadong kompanya na mangangasiwa sa e-jeepney program sa Bataan.

“Naging saksi po ang inyong lingkod sa pirmahan ng service agreement sa pagitan ng Global Electric Transport (GET) Philippines sa pangunguna ng Managing Director na si Anthony Dy at Bataan Jeepney Operators and Drivers Transport Service Cooperatives sa pangunguna ni Chairman Potenciano Pastor Dominguez kahapon,” sabi ni Joet Garcia, gobernador ng lalawigan.

Sa pamamagitan nito, magsisimula nang gumamit ang mga public utility vehicles ng electricity-powered na sasakyan.

Marami nang local government units ang nagpapanukala ng paggamit ng e-jeepney at hindi na petrolyo na sinisisi sa matinding usok na lason sa hangin.

“Sa tulong ng Global Green Growth Institute (GGGI Philippines) para sa Green Mobility Program ng Bataan, unti-unti po nating maisasakatuparan ang ating pagnanais na mas mapaganda pa ang serbisyo para sa ating commuters at makatulong sa pangangalaga ng ating kapaligiran.

Sa pamamagitan nito, magiging malinis ang hangin at makaiiwas tayo sa mga sakit na bunga ng polusyon,” dagdag pa ni Gov. Garcia.