Kulong

Ginang arestado sa pag padlock sa hindi nakakabayad ng upa

May 30, 2024 Jojo C. Magsombol 78 views

KAMPO MAJOR HENERAL LICERIO I. GERONIMO, Taytay, Rizal–Swak sa selda ang babae dahil sa pag-padlock sa gate ng nirerentahang apartment kaya nakulong sa loob ang mga okupante na hindi umano nakakabayad sa Unit 19 Westernville Emerald St., Brgy. San Isidro 1, 21 Angono, Rizal, ayon sa report kay Rizal police director P/Col. Felipe B. Maraggun.

Ang mga biktima ay sina Maria Fe Lopez Dulla, 66; Maurice Ariane Reynoso Marquez, 35; Solomon Burgess, 73; King Solomon Lopez Dulla, 28; Haring Solomon Burgess Reynoso, 10; Princess Evelyn Burgess Reynoso, 8; at Jose Terrel Cipriano Calma, 31.

Nakilala ang suspek na si alyas Joan, 54, ng Blk 2, Lot 16 Duraville Homes Subd. Mahabang Parang, Angono, Rizal.

Lumalabas sa imbestigasyon na puwersahang ikinandado ng suspek ang gate ng inuupahang apartment ng mga biktima habang nasa loob.

Tinangka ni Maria Lopez na kausapin ang suspek pero ikinulong pa rin sila.

Di kalaunan nakahingi ng tulong ang mga biktima sa pulisya at mabilis na inaresto ang suspek. Hindi sinabi sa report kung ang suspek ang may-ari ng paupahan.

Sasampahan ng kasong illegal detention, grave coercion at physical injury ang suspek.

AUTHOR PROFILE