Paul Gutierez

‘Double kill’ ang ginawa ng ACE Medical Center sa Valenzuela

April 5, 2024 Paul M. Gutierrez 121 views

SADYANG nakagagalit ang ginawa ng Allied Care Experts (ACE) Medical Center sa Barangay Malanday, Valenzuela City na naiulat na nang-hostage ng mga kaanak ng mga pasyente na namatay sa kanilang ospital upang maobligang magbayad ng hospital bill.

“Palit-ulo” ang tawag sa modus na ito, na tila matagal nang nangyayari sa naturang ospital, at maaring sa iba pang mga sangay nito?

Mantakin mo, Sen. Win Gatchalian, sa lungsod n’yo pa gumawa ng kalokohan ang pamunuan ng ospital na ito? Kaya hindi natin masisi na manggigil din si Mayor Wes Gatchalian, na umapela din sa iba pang naging biktima ng ACE, na lumutang din upang magsampa ng pormal na reklamo.

Mabilis din ang ginawang aksyon ng alkalde na personal na sinamahan ang dalawang complainant na kaanak ng mga namatay, bukod pa sa pagkakaloob ng libreng serbisyo legal.

Ang modus, hindi makakaalis ng ospital ang bantay ng pasyenteng namatay, habang walang papalit sa kanila upang maghanap ng pambayad sa bill. Ang bill ng dalawang pasyente na namatay ay umabot ng mahigit P500,000 at P700,000.

Kung di ba naman “ogags” at walang puso ang pamunuan ng ospital na ito, namatayan na ang mga tao, nang-hostage pa! Sana man lang ay hinayaan na makapagluksa at inaantay matapos ang libing bago pinag-usapan ang bayarin sa ospital.

Kung tutuusin, dapat makonsensiya ang mga kumag na ito at magbigay ng konsiderasyon, dahil hindi na nga nila naisalba ang buhay ng pasyente, nang-hostage pa at nagmamadali pa maningil! “Double-kill ito, hindi ba, pangulong Arlie Calalo ng Camanava Press Corps?

Batid natin sa mga ganitong pangyayari, ang mga kaanak ay talagang gumagawa ng paraan at “kinakapalan” ang mukha na lumapit kung kani-kanino upang makalikom ng pera na pambayad sa kanilang obligasyon. Hindi ba ito batid ng ACE Medical Center?

Dapat nga, dahil hindi nila naisalba ang buhay ng pasyente, ay tinulungan pa nila ang pamilya ng mga ito kung saan, kanino at paano makakalapit upang makahingi ng ayuda na ipambabayad sa kanilang ospital. Hindi ‘yung iho-hostage na parang isang kriminal.

Sana din ay binigyan muna ng pagkakataon na maasikaso ang burol at libing ng kanilang mahal sa buhay, sa halip na pwersahin agad na magbayad ng hospital bill.

Batid natin na negosyo ang mga ospital, pero tandaan din sana na mas higit ang pagbibigay ng serbisyo medikal – ang pagalingin sa karamdaman ang pasyente at magligtas ng buhay.

At ang katotohanang ito— na ang kalusugan, kahit ang edukasyon ay isang negosyo sa umiiral nating kapitalistang sistema— ang dapat pagtuunan ng pansin ng ating mga mambabatas kung paano mabibigyan ng solusyon.

Hindi naman tayo santo, pero hindi makatao ang ginawa ng pamunuan ng ACE. Sana ay maigawad sa mga may sala ang nararapat na kaparusahan – at ipahinto ang operasyon o ipasara ang ospital kung kina kailangan.

Naniniwala tayo na hindi hahayaan ng magkakapatid na Gatchalian, kasama si DSWD Secretary Rex, na dati rin alkalde ng lungsod, na mauwi sa wala ang kasong ito at hindi managot ang pamunuan ng ospital. Sana rin ay hindi magpaareglo ang mga biktima at ilaban hanggang dulo ang mapait na sinapit nila.

Abangan!

AUTHOR PROFILE