Allan

Mga halimaw sa ospital

April 5, 2024 Allan L. Encarnacion 108 views

HINDI ko naman kakilala itong si Valenzuela Mayor Wes Gatchalian bagama’t kaibigan ko ang kanyang mga kapatid na sina Senador Sherwin at DSWD Secretary Rex mula pa lamang sa pagpasok nila sa pulitika noong mga totoy pa sila.

Pero gusto nating itaas si Mayor Wes sa kanyang planong pagpapasara sa ospital na “ikinulong” ang miyembro ng pamilya ng mga namatayan dahil hindi makabayad ng hospital bills. Gusto nating maging official Wes Gatchalian doctrine ang ganitong paraan ng pagpaparusa sa mga ospital na umaapi sa mga mahihirap natin kababayan.

Ang sinasabi ni Mayor Wes na sistema ng “palit-ulo” ng ospital kapag hindi nakabayad ang pamilya ay isang kriminal na pagkilos na hindi dapat nangyayari kanino man. Iyong sistemang kung hindi makabayad ang immediate family member sa ospital, dapat mag-iwan ng isang kamag-anak din habang naghahanap ng perang pambayad.

Mayroon na tayong Anti-Hospital Detention Law subalit aminin man natin o hindi, nangyayari ito sa maraming ospital, lalo na sa pribado.

Ilang araw nakulong sa security office ang kamag-anak ng dalawang pasyenteng namatay sa ospital dahil nga hindi makahagilap ng pambayad kaya napilitang magreklamo sa Mayor’s Office ang mga biktima.

Teka nga muna, ang mga pribadong paaralan ay inaatasan ng batas na magkaroon ng ilang porsiyento ng kanilang mga estudyante na scholars bilang corporate social responsibility. Ang ospital ba ay walang ganitong sistema mula sa estado?

Alam ko may mga charity ward ang mga ospital na pribado pero dapat more than charity ward, may obligasyon din sila sa mga ganitong sitwasyon na talagang walang mahugot na pambayad ang pamilya, lalo na’t namatayan. Alam ba nila ang kaso sa ginawa nila? Illegal detention, lalo na’t ilang araw nilang hindi pinalabas at hindi man lang pinakain ang naka-custody sa kanila. No bail yan bata!

Palagi nating nakikita ang kalunus-lunos na sitwasyon sa mga ospital, pribado man o gobyerno. Iyong mga pasyenteng walang-wala talaga ay nasa miserableng sitwasyon, pati na ang kanilang mga bantay.

Hindi ko makalimutan na may isang pagkakataong tumawag sa akin ang aking inaanak dahil ang tatay niyang kaklase ko sa high school ay naospital matapos ma-stroke. Hindi ko na babanggitin ang ospital pero sa bandang Novaliches ito. Mga 20 years ago na siguro ito.

Nagmamadali akong magpunta kahit napakatrapik subalit nang datnan ko ang kaklase ko, patay na, nakabalot ng kumot at nasa sahig ng ospital! Hindi lang ako nalungkot sa pagkamatay ng classmate ko, nanlumo ako sa nakitang bangkay niya na nasa lapag ng ospital.

Hindi ko mapigilang magalit, tinanong ko ang aking inaanak kung bakit ganoon ang sitwasyon. Wala raw silang perang pambayad! Ewan ko kung gaanong karaming luha ang pumatak sa akin sa sinapit ng aking classmate at dahil na rin siguro sa tindi ng aking galit sa sitwasyon ng kanyang bangkay.

Ganoon ka-miserable ang kalagayan ng marami nating kababayang naghihirap. Kaya nga hindi ko alam kung may nagagawa ba ang Universal Health Care Law na “kakalinga” sana sa mga mamamayan nangangailangan ng medikal na atensiyon.

Sa tingin ko, walang safeguard ang batas laban sa mga halimaw na ospital katulad ng nangyari sa Valenzuela at sa aking kaklase. Kailangang talagang may masampulan katulad ng plano ni Mayor Wes na ipasara ang ospital na nagkulong sa mga kamag-anak ng namatay.

Alam nating negosyo ang ospital, may nagagastos na puhunan kaya kailangan ding kumita. Pero wala man lang ba kayong mga puso para sa ating mga kababayan kapag sumasapit ang sitwasyong ganito na talagang walang-wala sila?

Hindi ko alam kung kayang matulog nang mahimbing ng mga may-ari at management ng ospital na ganito ang polisiya laban sa mga mahihirap.

Mga wala kayong konsensiya.

[email protected]