Default Thumbnail

DOTr, NPO nagpulong para sa plastic cards supply

May 4, 2023 Jun I. Legaspi 216 views

KATULAD ng kasalukuyang proseso ng bidding para sa pagbili ng mga lisensiya ng mga drayber, pinag-aaralan ngayon ng Kagawaran ng Transportasyon ang posibilidad ng pagkuha sa serbisyo ng ibang ahensiya ng gobyerno upang agarang masolusyunan ang isyu sa suplay ng nasabing mga plastic card para sa driver’s license.

Bunsod ng agarang pangangailangan ng license cards, nakikipag-usap si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa director ng National Printing Office (NPO) dahil sa kanilang teknikal na kapabilidad para mag-suplay ng cards.

Sa ngayon ay nasa “exploratory stage” ang pakikipag-ugnayan ng kalihim sa NPO director upang alamin ang mga posibleng mangyayari sakaling kunin ang serbisyo ng ahensiya.

Pinag-aaralan din ni Bautista na makipag-ugnayan sa APO (Asian Productivity Organization) Production Unit sa parehong layunin.

Batay sa umiiral na mga batas at regulasyon, kailangan ng Central Bids and Awards Committee (BAC) ng karagdagang detalye bago isapinal ang “agency-to-agency arrangement” sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA).

Kasalukuyang mayroong “competitive bidding” ang Central BAC para sa mga license cards. Itinakda ang deadline ng pagsumite at opening bids sa ika-24 ng Mayo 2023.

Samantala, kasalukuyang tinutugunan ng Central BAC ang natatanggap nilang mga isyu at komento mula sa mga “prospective bidders” ukol sa Terms of Reference (TOR) na isinumite ng Land Transportation Office (LTO) noong Marso 21, 2023.

AUTHOR PROFILE